NAKAMIT na ng aktres na si Michelle Dee ang titulo bilang Miss World Philippines at Miss Universe Philippines. Hindi ito madaling gawin, ngunit hindi siya ang nauna sa Pilipinas na lumukso mula “World” papunta sa “Universe.”
Si Catriona Gray ang unang Pilipinang nakagawa nito. Bago siya hiranging Miss Universe noong 2018, ibinandera muna ng Australian-Filipino singer at modelo ang Pilipinas sa 2016 Miss World pageant sa Estados Unidos kung saan siya nagtapos sa Top 5.
Madali niyang napanalunan ang mga pambansang titulo niya sa 2016 Miss World Philippines at 2018 Binibining Pilipinas pageants, humakot din ng awards sa dalawang patimpalak. Sumabak din siya sa mga pandaigdigang contest bilang liyamado, napukaw na ang atensyon ng mga tagasubaybay sa iba’t ibang panig ng mundo bago pa man nagsimula ang labanan.
Sa kalagayan ni Dee, naging madali rin sa kanya ang pagsungkit sa titulo bilang Miss World Philippines. Ngunit kinailangan pa niya ng dalawang pagkakaton bago naitala ang tagumpay sa Miss Universe Philippines pageant. Una siyang sumali noong isang taon, at tinanggap ang korona bilang Miss Universe Philippines-Tourism.
Ngunit hindi lang ang dalawang Pilipinang reyna ang gumawa ng matapang na pagtawid sa mga mahahalagang patimpalak. Bumandera na rin sa entablado ng Miss World ang ilang reyna bago nagwaging Miss Universe, tulad ni Gray.
Pinakabago si 2020 Miss Universe Andrea Meza mula Mexico, na nagtapos bilang first runner-up sa 2017 Miss World pageant kung saan din siya hinirang bilang Queen of the Americas.
Naalala ninyo si Mpule Kwelagobe, ang unang kandidata ng Botswana sa Miss Universe pageant na nakasilat sa titulo mula sa Pilipinang si Miriam Quiambao noong 1999? Lumaban muna siya sa 1997 Miss World pageant, kung saan hindi siya pumuwesto man lang.
Ganito rin ang nangyari kay Angela Visser ng Holland. Thank-you girl muna siya sa 1988 Miss World pageant bago naging Miss Universe noong 1989.
Si Michelle McLean, ang una at natatanging Miss Universe mula Namibia, na nagwagi noong 1992, sumali muna sa 1991 Miss World pageant kung saan siya nagtapos sa Top 5.
Ngunit para kay Dee, hindi lamang kuwento ng tagumpay na pagtalon sa kabilang pageant ang pagwawagi niya sa Miss Universe kung sakali. Kung maiuuwi niya ang titulo, maipagpapatuloy din niya ang pamana ng pamilya niya na pagtataguyod sa pamamayagpag ng Pilipinas sa larangan ng pageantry. Ina niya si 1979 Miss International Melanie Marquez, habang pinsan naman niya si 2017 Reina Hispanoamericana Teresita Ssen “Winwyn” Marquez.
Ibabandera ni Dee ang Pilipinas sa ika-72 Miss Universe pageant sa El Salvador ngayong taon. Doon, tatangkain niyang maging ikalimang Pilipinang makapag-uuwi ng korona, kasunod nina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Gray.