John Arcilla nanawagan para labanan ang online piracy: Ito ang pumapatay sa ating industriya’
By: Alex Brosas
- 2 years ago
John Arcilla
NANAWAGAN ang “Dirty Linen” veteran actor na si John Arcilla na suportahan ang House Bill No. 7600 which aims to amend intellectual property code.
Sa kanyang Instagram account nanawagan ang premyadong actor via a short video.
“Ang pagpapahalaga po sa Philippine (entertainment) industry ay pagpapahalaga sa ating lahi at sa kuwento ng mga Pilipino na isinasabuhay sa pelikula, serye, kanta at iba pa.
“Pero sa kabila po ng galing at talent ng ating industriya, ay napakalaking problema po ang paglaganap ng online piracy,” say niya sa video.
Para sa kanya, ang online piracy ang pumapatay sa industriya at siyang nagiging balakid para kumite ang mga tao sa showbiz.
“Ang pananatili po ng online piracy ay katumbas ng pagkawala ng hanap-buhay ng ating mga local talents, story tellers, filmmakers at ating mga crew,” say niya.
Matapos niyang sabihin ito ay humingi siya ng suporta para sa House Bill 7600.
“Kaya samahan po ninyo ako na pukawin ang atensyon ng ating mga opisyal para po ipasa ang House Bill 7600 para po maproteskyunan ang ating Philippine creative and entertainment industry,” say niya.
Nanawagan din siya sa mga mambabatas na gumawa ng law para protektahan ang mga taga-industriya.
“At hinihikayat ko rin po ang ating mga kagalang-galang na senador na makibahagi at magpasa rin ng mga batas sa senado hinggil dito sapagkat ang pagkilos po at laban para sa online piracy ay hindi lamang po responsibilidad ng isang industriya kundi responsibilidad po nating lahat.
“Para po sa patuloy na paglago ng ating sining, para sa mga mabubuksang trabaho na makapag-unlad sa ating ekonomiya at para sa mga Pilipino at kuwento ng mga Pinoy na lalo pang ipagbubunyi dito sa atin at sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Magsama-sama po tayong lahat to play it right,” paliwanag niya.
Samantala, bilang Carlos sa “Dirty Linen” ay selos na selos ang character ni John sa bagong lalaki na nahuhumaling sa asawang si Leona played by Janice de Belen, not knowing na pakana lang ito ni Max (Christian Bables) para guluhin silang mag-asawa.