Target ni Tulfo by Mon Tulfo
ARAW-araw, mas lalong napapamahal sa taumbayan si P-Noy dahil sa ehemplo pinakikita niya tungkol sa disiplina.
Sinabi ni Noynoy sa kanyang inaugural address na wala nang gagamit ng wang-wang sa kalye, at siya ang nangunguna sa pagtupad ng kanyang kautusan.
Kahit na sinabihan na siya ng Presidential Security Group (PSG) na dapat ay gumamit siya ng wang-wang upang di mahuli sa kanyang mga appointments, sinabi ng bagong Pangulo na maaga na lang siyang aalis sa kanyang panggagalingan,
Sana’y huwag magbago si P-Noy sa kanyang pag-uugali.
Sana’y hindi ningas-cogon ang ginagawa niya.
Sana’y hanggang sa huling araw ng kanyang termino ay manatili siyang mapagkumbaba, simple sa kanyang kilos, at matapat sa kanyang tungkulin.
Kapag hindi nagbago si P-Noy, magiging napakasuerte ng ating bansa dahil tayo’y aasenso ng lubusan.
* * *
Sinabi ni Noynoy na babantayan niyang mabuti ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs dahil dito ay talamak ang lagayan.
Hindi na kailangang taasan ang buwis na magiging pabigat sa naghihirap na mamamayan.
Ang kailangan lang ay alisin ang mga magnanakaw sa BIR at customs.
Sa Bureau of Customs, mas malaki ang napupunta sa bulsa ng mga kurakot na opisyal at empleyado kesa sa kaban ng gobyerno.
Halimbawa, sa isang 20-foot van na puno ng kargamento, ang ibinabayad na taripa ng importer ay P20,000.
Biruin n’yo, ang napupunta sa mga magnanakaw ay P40,000!
Iisa-isahin ko kung anu-anong opisina ang nilalagyan ng importer:
1) Office of the Commissioner
2) Office of the Deputy Commissioners. Tatlo ang deputy commissioners.
3) Director ng National Customs Police (NCP)
4) Deputy Director ng NCP
5) Chief ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)
6) CIIS Operations unit.
7) CIIS Intelligence
8) CIIS Production unit
9) NCP District Office
10) NCP District Intelligence
11) NCP District Intelligence
12) NCP X-ray unit
13) Run After Tax Evaders (RATE).
Susmaryosep! Kaya pala kulang ang koleksyon ng customs dahil ibinibigay sa mga opisinang nabanggit.
* * *
Wala pa riyan yung mga para sa customs collectors ng iba’t ibang distrito gaya ng Port of Manila, Manila International Container Port, Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Cebu, Batangas.
Hindi pa rin nabibilang diyan yung para sa isang tao noon na malapit sa dating Pangulo.
Iba pa diyan yung hindi talaga nagbabayad ng taripa at basta na lang inilalabas ang kargamento. Ang gumagawa ng ganitong anomalya, na kung tawagin ay “swing”, ay dalawang magkapatid na sabit sa isang tao sa Malakanyang noon.
Malaki ang naipong pera ng magkapatid dahil sa swing. Nakapagpatayo sila ng malaking mall sa Canada kung saan sila ay naninirahan na ngayon.
Napabalita na ang isang mall sa Divisoria ay pag-aari ng nasabing magkapatid.
* * *
Binabawi na ng isang maimpluwensiyang tao ang kanyang kayamanan sa kanyang girlfriend ngunit ayaw ibigay sa kanya ng babae.
Ang kayamanan diumano’y galing sa pangungurakot ng nasabing maimpluwensiyang tao sa kanyang paghari-harian.
Ayaw ibigay ng babae ang inintrega sa kanya ni lalaki.
Ang gusto ni babae ay iwanan na niya ang kanyang asawa at magsama na sila.
Tutal naman daw ay malapit na sa hukay si lalaki at aalagaan na niya ito.
Bandera, Philippine News at opinion, 070610