‘Beautiful Disaster’ nina Virginia Gardner at Dylan Sprouse feel good movie na may patikim na sex at aksyon

Beautiful Disaster nina Virginia Gardner at Dylan Sprouse feel good movie na may patikim na sex at aksyon

ISANG malaking kapahamakan ang matalo sa pustahan. Pero maaari rin itong maging isang “Beautiful Disaster”.

Yan ang pinakatema ng international movie na “Beautiful Disaster” na napanood nga namin kagabi sa ginanap na special screening sa Robinsons Galleria Cinema 2.

In fairness, na-enjoy namin ang pelikula dahil feel-good ang kuwento nito kahit pa may kaunting violence at nakakikiliti at nakakaaliw na sex scenes ang mga bidang sina Virginia Gardner at Dylan Sprouse.

Nu’ng mapanood namin ang trailer ng “Beautiful Disaster” ay na-curious at na-excite agad kami kaya nang maimbitahan kami ng Viva Entertainment sa advance screening nito ay nag-yes agad kami.

Nagsimula ang kuwento ng pelikula sa unang taon ni Abby Abernathy (Virginia Gardner) sa kolehiyo at ang gusto lang niya ay mag-focus sa pag-aaral at talikuran ang nakaraan niya sa pagsusugal.

Siya ay isang “poker prodigy” noong bata pa lang at pinagkakitaan siya ng kanayang ama.  Hindi niya inaasahang makilala ang lalaking magkaka-interes sa kanya.

Si Travis “Mad Dog” Maddox (Dylan Sprouse) ay sikat sa pagiging kampeon sa boxing at pagiging playboy. Na-challenge siya kay Abby dahil ito lang ang babaeng nagsabi sa kanya na hindi siya type nito.

Nakipagpustahan siya kay Abby na kung hindi siya matatamaan ng kanyang kalaban sa boxing ay titira si Abby sa bahay niya ng isang buwan.

Tumupad naman ang dalaga sa kasunduang ito. Sa pagtulog, magkatabi sila sa iisang kama pero giit ni Abby na walang dapat mangyari sa kanila.

Baka Bet Mo: Liza Soberano eeksena sa Hollywood movie na ‘Lisa Frankenstein’ kasama si Cole Sprouse?

Gayunpaman, hindi mapigilang ma-in love ni Travis sa kanya. Aaminin rin ba ni Abby ang pag-ibig sa binata at ang kanyang nakaraan? At diyan na nga magsisimula ang nakakalokang twist and turns sa kuwento.

Mula sa direksyon at panulat ni Roger Kumble (After We Collided, Cruel Intentions, The Sweetest Thing) na hango sa best-selling book ni Jamie McGuire, ang “Beautiful Disaster” ay pinagsama-samang romance, comedy, drama at suspense.

Kwento ni Dylan Sprouse (After We Collided, Banana Split) na agad niyang tinanggap ang papel na Travis dahil sa script pa lang ay kitang-kita na “poppy, quick, and fun” ang mga eksena. Meron ring lalim ang kanyang karakter.

Isinalarawan ni direk Kumble si Travis bilang “respectful and loyal” sa kanyang mga kaibigan at pamilya. “He has a code of honor, and that’s very important for this story,” aniya.

Bago magsimula ang shooting, sumailalim sa apat na oras na physical training si Sprouse para tunay na magmukhang MMA fighter at magkaroon ng stamina para sa mga mahabang fight scenes.

Nagustuhan din agad ni Virginia Gardner (Fall, Marvel’s Runaways) ang kanyang papel na Abby dahil, tulad ni Travis, ang kanyang karakter ay “well fleshed out” . Nag-aral rin ng poker si Gardner at nagsanay ng pagbalasa ng baraha para mas kapani-paniwala ang kanyang pagganap.

Ang pelikula ay kinunan sa Bulgaria, pero nag-bonding na ang mga aktor sa Los Angeles. Gusto pa ulit nina Sprouse at Gardner na muling makatrabaho ang isa’t isa sa hinaharap.

Showing na ngayon ang “Beautiful Disaster” sa mga sinehan nationwide.

Related Chika:
Mikey Bustos ‘super excited’ sa kauna-unahang Hollywood project: It’s a dream I’ve secretly been hoping for

Elijah Canlas unti-unting tinutupad ang Hollywood dream: ‘I’ve submitted three or four self-taped audition videos abroad’

Read more...