Nag-aalburuto si Vice President Binay

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

HINDI sang-ayon si Vice President Jojo Binay sa kautusan ng Pangulong Noynoy na ipinagbabawal ang paggamit ng “wang-wang” sa daan.
Ayon kay Binay, kailangang may exceptions daw gaya ng ambulansiya, bumbero, police cars na tumutugon sa emergency.
Hu, si Jojo Binay naman!
Hindi lang si  Binay ang gumagamit ng wang-wang bilang alkalde noon ng Makati, kundi sina Mrs. Binay at kanilang mga anak at apo.
Hindi sila pumupunta sa emergency, gusto lang nila na makasingit sa masikip na traffic sa Makati.
Kung sabagay ay hindi lang naman ang mga Binay ang gumagamit ng wang-wang kundi pati na rin ang mga congressmen, senators, Cabinet members, military and police officers at kahit na barangay chairmen.
Gusto lang ng mga ito na makasingit sa masikip na trapiko at unahan ang mga ordinaryong mamamayan sa pagdating sa kanilang patutunguhan.
Dapat ay itigil na natin ang paggamit ng wang-wang upang manlamang sa kapwa nating mga motorista, drayber at ibang gumagamit ng daan.
* * *
Magandang halimbawa ang ginawa ni P-Noy nang patungo siya sa kanyang inaugural sa Luneta noong Miyerkules at pag-alis niya sa Luneta.
Hindi lang na hindi gumamit ng wang-wang ang convoy ng bagong Pangulo, tumigil din ang kanyang convoy sa maraming red light sa kalye.
Kung ang pinakamataas na opisyal ng bansa ay nagpapakumbaba na hindi gumamit ng wang-wang at tumitigil sa red light, bakit hindi tayo na mga ordinaryong tao lamang?
* * *
Sana ay tuluy-tuloy na ang disiplina sa daan na ipinakita ni P-Noy sa bayan.
Kapag may disiplina sa daan, magkakaroon ng disiplina sa ibang bagay sa bansa gaya ng pagbayad ng tamang buwis at taripa, pagiging tapat sa tungkulin ng ating mga government officials and employees.
Discipline leads to economic progress and political maturity.
To borrow a battlecry during martial law, Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.
Malaki ang pag-asenso ng bansa noong martial law dahil naging disiplinado ang taumbayan ng ilang taon, pero ang kaso ay ang pamunuan—sina Marcos—ang mismo ang naging walang disiplina.
Kapag tinupad ni Pangulong Noy ang kanyang pangako na may disiplina ang kanyang administrasyon, tiyak na aasenso ng malaki ang ating bayan.
* * *
Pangalawang araw pa lang ni Vice President Binay sa tungkulin noong Huwebes, marami na siyang angal.
Kesyo napakalaki ng kanyang upuan, kesyo maliit ang opisina bilang Pangalawang Pangulo, kesyo maliit dito, kesyo walang dekorasyon.
At umaangal din si Binay na maliit ang budget ng Vice President, mas maliit pa sa budget ng isang barangay sa Makati.
Sus, Jojo, bakit ka tumakbo bilang Vice President kung marami ka palang hindi gusto sa puwesto?
Kung sa ngayon ikaw na “spare tire” pa lamang ay umaasta na na parang ikaw ang Pangulo, kaya pa kung naging Presidente ka na?
* * *
Nakikinita ng inyong lingkod na hindi maganda ang magiging samahan nina Binay at P-Noy.
Unang araw pa lang sa kanilang tungkulin ay hindi na sumang-ayon si Binay kay Noy sa isang simpleng kautusan na “walang wang-wang.”
Binay is sour-graping dahil hindi ibinigay sa kanya ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Kaya’t hindi na niya tinanggap ang alok ni P-Noy na hawakan niya ang ibang puwesto sa gobyerno.
Parang batang paslit itong si Binay na hindi binigyan ng kendi at nag-aalburuto.

Bandera, Philippine News, 070510

Read more...