Bandera Editorial
NGAYONG nakapanumpa na si P-Noy, tayo na sa tuwid na daan, na kanyang ipinangako. Pero, hindi tayo ang pipili ng tuwid na daan. Si P-Noy ang pipili ng tuwid na daan, dahil nakita niya ang daang baluktot na tinahak ng administrasyon ni Gloria Arroyo.
Nasaan na nga ba ang tuwid na daan? Kung sakaling di natin natatanaw ang tuwid na daan, ang mahal na pangulo ang may alam kung nasaan ito. Si P-Noy lamang ang nakatatanaw ng tuwid na daan ngayon. At diyan niya tayo aakayin. Kaya sumama na tayo.
Kung may agam-agam man, at di naman maiiwasang walang agam-agam o pagdududa dahil tayo’y nasa demokrasya pa naman, ay tayo rin ang kakalabit sa driver (sigawan, kung yan ang gusto mo) at ipaalala na dapat ay lumiliko rin naman. Hinahanap ang short cut, o ang pinakamalapit na daan, para mapadali ang biyahe.
At kapag tinumbok pa rin ang baluktot na daan, puwedeng pagalitan ng taumbayan ang driver.
O isisante.
* * *
Habol Marcos, habol GMA
INILUKLOK ng kampo Aguinaldo’t Crame si Corazon Aquino bilang pangulo nang mabuking ang pag-agaw sa kapangyarihan ni Gregorio Honasan. Nang makapanumpa si Cory, agad niyang iniutos ang paghahabol sa umano’y mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanyang mga galamay.
Parang mga hayop na nakawala sa hawla ang mga tauhan ng PCGG sa paghahabol sa mga galamay. Kinatok ang mga pinto ng condo’t otel, hinarangan ang isang subdibisyon, pinasok ang malaking pahayagan samantalang ang isa naman at nakapagtatakang biglang iniwan ng mga advertiser.
Natapos ang termino ni Cory, di pa rin nabawi ang nakaw na yaman. Tatlong pangulo pa ang iniluklok ng taumbayan at malaki pa rin ang di nababawi. Walang mga galamay ang ipinakulong at maraming kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ay natalo. Nanalo ang mga galamay at natalo ang PCGG.
Di pa man nakapanunumpa si P-Noy, buo na ang koponan na hahabol kay Gloria Arroyo. Naghuhumiyaw na ang mga komunista na sa unang araw pa lang ng bagong pangulo ay ipakulong na si Arroyo.
Pero, hahabulin nga si Arroyo at gagawin ito nang naaayon sa batas, at hindi sa patakaran ng komunista.
Bandera, Philippine News, 070210