NAISALIN na ng Pilipinang si Alexandra Mae Rosales ang titulo niya bilang Miss Supermodel Worldwide, anim na buwan pa lang ang nakararaan mula nang masungkit ang korona sa India noong Oktubre. Inilipat niya ito sa tagapagmanang si Angelina Gorbunova mula Russia.
Kinoronahan ang bagong reyna sa palatuntunang itinanghal sa City Park Resort sa Ghevra sa New Delhi, India, noong Abril 15 (Abril 16 sa Maynila), eksaktong anim na buwan mula nang magwagi si Rosales sa patimpalak noong Okt. 15, 2022. Dahil sa COVID-19 pandemic, napilitan ang organisasyon na iusog ang pagtatanghal ng patimpalak mula sa nakasanayang Marso o Abril.
Kinumpirma ni Rosales, ang unang Pilipinang nagwagi sa pandaigdigang patimpalak, sa isang naunang panayam ng Inquirer na kahit na napaikli ang pagrereyna niya, dalawang taon pa rin ang kontrata niya sa international organization. Nakapagtrabaho na siya sa ilang kampanya sa India, at inaasahang tatanggap pa ng modeling projects sa hinaharap.
Naging kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Supermodel Worldwide contest si Shyrla Nuñez, na napanalunan ang karapatang ibandera ang bansa sa pandaigdigang patimpalak noong nagdaang buwan lang sa unang pagtatanghal ng Miss Supermodel Philippines search. Dinaig ng dentista mula Caloocan City ang 14 iba pang kandidata para sa pambansang titulo.
Hinirang si Nuñez bilang fourth runner-up sa pandaigdigang patimpalak, na nagtipon ng 16 kalahok mula sa iba’ t ibang panig ng mundo. Isa pang Pilipina ang sumali sa contest, ang first runner-up niya sa Miss Supermodel Philippines na si Eileen Santiago na naging kinatawan naman ng United Arab Emirates (UAE).
Sinabi ni Sam Sapo mula sa Miss Supermodel Philippines organization na pinili ni UAE national director Laura Quizon si Santiago bilang kandidata niya sa pandaigdigang patimpalak.
Nakuha ng silangang Europa ang dalawang pinakamataas na puwesto sa 2023 Miss Supermodel Worldwide contest sapagkat hinirang namang first runner-up si Daria Shapovalova mula Belarus. Second runner-up si Precious Chimfwembe Mwamba Ng’oma mula Zambia, at third runner-up si Natrawee Chiarasathid mula Thailand.
Ang pageant organization at talent promoting agency na Rubaru Group sa India ang nagmamay-ari sa Miss Supermodel Worldwide contest, na binuo noong 2018 bilang isang “international modelling competition” na may motto na “beauty with intellect.”