Enchong ramdam na ramdam si Vice Ganda habang lumalaban sa Summer MMFF; nagpaka-fan boy kay Dolly de Leon
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Vice Ganda at Enchong Dee
NAPATUNAYAN na ni Enchong Dee kung gaano katindi ang nararamdamang pressure ng Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda kapag sumasali ito sa taunang Metro Manila Film Festival.
Isa ang Kapamilya actor sa mga lead stars ng official entry ng Quantum Films sa 1st Summer Metro Manila Film Festival na “Here Comes the Groom” na siyang nangunguna ngayon sa takilya na itinanghal pang 3rd Best Picture.
In fairness, todo ang pagsuporta ng LGBTQIA+ community sa pelikula nina Enchong, Kaladkaren, Keempee de Leon, Gladys Reyes, Iyah Mina, Maris Racal, Awra Briguela, Miles Ocampo at iba pa, kaya naman super pasalamat ang buong cast at production.
Sa kuwento ng “Here Comes The Groom” gumaganap si Enchong bilang si Junior, ang binatang malapit nang ikasal sa kanyang fiancée (Miles) pero mapupurnada nga ito nang magkapalit sila ng pagkatao ng transgender woman na si Wilhelmina (KaladKaren).
“Gusto kong mag-thank you sa lahat ng nakasama ko sa pelikulang ‘to. Bawat isa na nasa likod at harap ng kamera. Hindi naging madali pero binigay natin kung anong makakaya natin.
“Lahat ng cast naging inspirasyon ko para gawin ang tama at ng may tapang. Lahat kayo panalo sa aking puso dahil alam ko yung hirap at disiplina na ginawa natin para dito. saludo ako at respeto my generous co-actors,” ang caption ni Enchong sa kanyang Instagram post.
Naibahagi rin ng binata ang pagpapaka-fan boy nang makita niya ang international actress na si Dolly de Leon, sa 1st Summer MMFF Gabi ng Parangal, na nagsilbing jury head para sa awards night.
“Fan mode. Sobrang fan mode. Binigay ko na nga yung phone ko sa road manager ko kasi gusto ko magpa-picture sa kanya.
“I think yung pinaka-purpose ng Manila Film Festival is for us to encourage Filipinos to go back sa panonood ng pelikulang Pilipino,” ang pahayag ni Enchong.
Siyempre, super proud din ang binata sa pagkapanalo ni KaladKaren bilang Best Supporting Actress. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na na-nominate at nanalo ang isang transgender actress sa history ng MMFF.
“Lahat talaga naka-focus kay KaladKaren. Siya talaga. I think it’s a move forward. I think in Southeast Asia, hindi lang siya sa Pilipinas, if I’m not mistaken, she is the first transwoman to be part of a Best Actress (in a supporting role) category. Which is a big move for Philippine cinema. I believe she must and she can make it,” mensahe ni Enchong.
Samantala, may pa-shoutout din si Enchong sa kaibigan niyang Vice Ganda, “Mas naramdaman ko yung importance, mas na-appreciate ko lalo si Vice kasi ang laki pala ng responsibilidad na binibitbit niya nu’ng time niya sa Metro Manila Filmfest.
“Kailangan tumawa ng tao, kailangan ngumiti ng tao. Kailangan nila maramdaman na okay, for two hours kahit paano nakalimutan nila na ang mahal-mahal pala ng mga bilihin.
“Nagpa-block screening siya sa Gateway. Papalipad na siya ng Canada pero nag message siya sa akin na, ‘Gusto ko lang sabihin sa yo na I love you, sobra kitang mahal, and in-invite ko yung Little Ponies ko sa block screening.’
“And I’m like, ‘I love you, thank you so much for the support.’ Kasi sobrang importante, parang may blessing na ng royalty ang Metro Manila Film Festival,” pahayag pa ng aktor.
Pagpapatuloy pa ni Enchong patungkol sa mga challenges na hinarap nila sa pagbuo ng “Here Comes The Groom”, “Sobrang worth it. Sabi ko nga, kung gagawa ako ng ganito, gusto ko itodo. Gusto ko ibigay lahat kasi kung hindi, katatawanan lang siya.
“Pero dahil binigay ko na talaga yung armas ko for the past 16 years I have been in the business, sabi ko it’s a perfect time for me to make myself into an interesting actor.
“My family was super supportive. Meron lang silang comment sa unang eksena kasi my parents are lay ministers so alam nila kung ano yung mga uniforms, kung ano yung dapat, yun lang,” aniya pa.
Nang tanungin naman kung tatanggap pa siya ng mga gay role in the future, “If the price is right. Consistent tayo diyan di ba? Ha-hahaha!”