Sulit ang pagsasanay ng Miss Universe Philippines delegates

Sulit ang pagsasanay ng Miss Universe Philippines delegates
SUMAILALIM ang mga kandidata ng Miss Universe Philippines pageant sa serye ng mga pagsasanay, workshop, at seminar na naglalayong pahusayin pa sila para sa mga susunod na yugto ng patimpalak. Ngunit naging sulit ba ang paglalaan nila na lakas at panahon? Para sa isang opisyal ng patimpalak, oo.

Nang tanungin ng Imquirer si Miss Universe Philippines Director of Communications Voltaire Tayag kung kuntento siya sa ipinakita ng mga kandidata sa press presentation, tugon niya, “of course, we were very optimistic about what [the trainings were] gonna do.”

Tatlumpu’t pito sa 38 kandidata ang rumampa suot ang bulaklaking mga bestida, maliban sa isa na nakasuot ng swimsuit na pinatungan ng malinaw na damit, sa pagtatanghal na ginawa sa Marquis Events Hall sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Abril 11. Ilan pa sa kanila ang nakapagbahagi ng mga saloobin nang tanungin ng ilang kawani ng midya.

Para sa “glam pageant training” nila, tumanggap ang mga kandidata ng 2023 Miss Universe Philippines pageant ng pagsasanay sa pagrampa mula mismo kay Jonas Gaffud, ang creative director ng organisasyon, makeup tutorial mula kay Nix Soriano, at payo sa hair care at hairstyling mula kay Mark Rosales ng Marqed Salon.

Tinalakay din ng mga kandidata ang ilang paksa, tulad ng mga nanay sa Miss Universe Philippines pageant, pageant rookies at veterans, breadwinners, at ang pamayanang LGBTQIA plus (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual, and others) at mga kasangga.

Natuto rin sila ng financial literacy mula sa social entrepreneur na si Vince Rapisura sa “Usapang Pera” seminar, at nagkaroon ng media training mula mismo kay Tayag at sa broadcast journalist na si Dyan Castillejo.

Baka Bet Mo: #UniquelyBeautiful: Sino sa 32 kandidata ng Miss Universe PH 2022 ang papalit sa trono ni Beatrice Gomez?

Inilahad din ng patimpalak ang mga pagkilos nito katuwang ang Save the Children Philippines mula kay Corporate Partnership Coordinator Alessandra Alberto at sa beauty queen na si Katarina Rodriguez. Nagbigay din ng payo si Shamcey Supsup-Lee, ang national director ng patimpalak, kung paano magkakaroon ng layuning higit pa sa korona.

Sinusuportahan din ng Miss Universe Philippines pageant ngayong taon ang Autism Society of the Philippines, na nagsagawa ng autism sensitivity training, hindi lamang para sa mga kandidata, kundi maging sa staff din.

“A month and a half after, we were very pleasantly surprised to see the improvement, because I think the improvement really came from within, and their confidence level, and their belief in themselves that they know that they are good enough,” ibinahagi ni Tayag.

Sinabi niyang matagal na itong binalak ng organisasyon, ngunit hindi maisagawa dahil sa mga pagbabawal kaugnay ng COVID-19 pandemic. “We also have the luxury of time now,” sinabi pa ni Tayag.

Aniya, tugma ang kasalukuyang hanay ng mga kandidata para sa serye ng mga pagsasanay na dinisenyo ng organisasyon. Sinabi ni Tayag na napagtanto ng pangkat sa screening pa lang na hindi lamang handa ang mga kandidata, karapat-dapat din sila para sa mga gawaing makapagpapayabong sa kanila hanggang sa pinakahuling yugto ng patimpalak.

Itatanghal ang 2023 Miss Universe Philippines coronation night sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Mayo 13. Dadalo si reigning Miss Universe R’Bonney Gabriel at 2019 winner Zozibini Tunzi. Magtatanghal din si “American Idol” runner up Jessica Sanchez at ang KPop idol na si Nam Woo-Hyun.

Related Chika:
32 finalist sa 2022 Miss Universe PH ibinandera na; Michelle Dee, Celeste Cortesi, Katrina Llegado pasok sa banga

Beatrice Gomez kakaririn ang pagkuha ng master’s degree, gusto ring subukan ang pagho-host

Read more...