PAREHONG sumang-ayon ang Land Transportation Office (LTO) at ilang driving schools sa implementasyon ng price cap para sa mga kurso upang makakuha ng driver’s license.
Ang pagpapatupad nito ay magsisimula na sa Sabado, April 15, ayon sa LTO.
Ang kasunduan ay matapos makipagpulong ang nasabing ahensya sa ilang miyembro ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc., Philippine Association of LTO-accredited Driving Schools, at iba pang driving school companies ng bansa.
Pinag-usapan nila ang ilang rekomendasyon at upang tugunan ang ilan pang concerns ng bawat panig.
“Sa nasabing pulong, ipinahayag ng mga dumalong driving school ang suporta sa layunin ng LTO na maging makatwiran at balanse ang singilin ng mga driving school kasabay ng pagtitiyak na makasusunod sa mga bagong panuntunan ng ahensya sa ilalim ng Memorandum Circular No. JMT 2023-2390,” saad sa inilabas ng pahayag ng LTO.
Sa ilalim ng memorandum, ang maximum rate para sa theoretical and practical driving course ay P3,500 pagdating sa mga motorcycle, at nasa P5,000 naman kapag light vehicles.
Noong Marso nang unang ipahayag ng LTO ang kanilang hakbang na gawing mas abot-kaya ang mga babayarang fees sa driving schools.
Ito rin ang tugon ng ahensya sa apela ng maraming kababayan na nagrereklamong mataas ang singil pagdating sa pag-aaral na pagmamaneho.
Read more:
Pagre-renew ng rehistro ng sasakyan pwede na ‘online’ – LTO