Bumaha ng luha sa huling episode ng WowoWillie; WILLIE nalungkot para sa mga iniwang Senior Citizen


Nu’ng nakaraang Biyernes pa lang nang tanghali ay nag-iiyakan na ang mga tagasuporta ni Willie Revillame. Bisperas pa lang ng takdang pamamaalam ng kanyang programa ay hindi na napisil ang emosyon ng studio audience.

Pagkatapos ng kanyang show ay naka-text namin si Willie, ibinalita niya na naging malungkot nga ang kapaligiran sa studio ng Wowowillie, hindi na raw kasi napigilan ang pagluha ng matatanda niyang tagasuporta.

“Nakakalungkot, talagang hindi na sila nakapagpigil, nag-iiyakan na sa studio kanina. Alam naman kasi ng mga mahal naming lola kung paano namin sila pahalagahan.

Ang feeling nila, wala nang magmamahal pa sa kanila nang ganu’n katindi,” balita sa amin ni Willie. Kahapon, sa kasagsagan ng bagyo, ay tuluyan nang nagpaalam sa himpapawid ang noontime show ni Willie.

Sa ayaw at sa gusto ng kanyang mga tagahanga ay kailangan nang kumaway ng pamamaalam ni Willie at ng buong produksiyon, tapos na ang Wowowillie, at kung saan siya muling mapapanood ng kanyang mga tagasuporta ay wala pang nakakaalam ngayon.

Bago ang kanyang pagtatapos ay inimbitahan muna siya para sa isang dinner ng mga tagapamahala ng network, nandu’n siyempre ang mga ehekutibo ng TV5, pati ang chairman at CEO ng istasyon na si Mr. Manny V. Pangilinan.

“Maayos ang pagkikita namin, nagpasalamatan kami sa bawat isa, napakalaking utang na loob na tatanawin ko sa TV5 ang tatlong taong tiwala na ibinigay nila sa akin,” kuwento ni Willie Revillame.

At mula bukas, Lunes, ay siguradong hahanap-hanapin siya ng ating mga kababayan, magbabago na ang mukha ng TV5 sa tanghali, dahil anumang nakasanayan na nating gawin ay hinahanap-hanap natin.

Maging si Willie Revillame ay maninibago sa bagong ikot ng kanyang buhay, hindi biro-biro ang pagso-show sa loob nang siyam na taon, siguradong hahanapin din ‘yun ng sistema ng kanyang katawan.

( Photo credit to Google )

Read more...