Pahiya ang Malacañang | Bandera

Pahiya ang Malacañang

Bella Cariaso - October 13, 2013 - 03:00 AM

SA nakalipas na mga araw, naging tagapagsalita at tagapagtanggol ng mga opisyal ng SSS ang mga tao ng Malacañang dahil sa kaliwa’t kanang pagdedepensa nila sa P1 milyong bonus na ipinagkaloob ng mga miyembro ng board sa kanilang mga sarili.

Sa briefing ni Secretary Lacierda, iginiit pa nito na hindi naman kukunin na karagdagang bonus sa pondo mula sa nakaambang pagtataas ng SSS contribution.

Marami tuloy ang nagtaas ng kilay sa naging sagot na ito ni Lacierda. Pero, kahit na ano pang pagdedepensa ang gawin nitong si Lacierda, alam naman ng lahat na sa pondo pa rin ng SSS manggagaling ang P10 milyong gugugulin para sa bonus ng mga opisyal ng SSS.

Sinundan pa ito ng kanyang deputy na si Usec Abigail Valte matapos niyang dedmahin ang panibagong kontrobersyal na ulat na 15 beses umanong nagbiyahe sa ibang bansa ang presidente ng SSS na si Emilio de Quiros, Jr. Ang biyahe raw na ito ay umabot ng P5 milyon ang gastos. Iginiit ni Valte na si de Quiros na lamang ang tanungin hinggil sa isyu.

Bakit nga ba hindi makanti ng Malacañang ang mga opisyal ng SSS? Hindi ba’t ang malalaking bonus na tinanggap ng mga GOCCs at GFIs ang pinuntirya ni PNoy pag-upong pag-upo niya sa pwesto noong 2010? Ang nakakagalit pa para sa mga milyung-milyong miyembro ng SSS ay ang paggigiit ng gobyerno na kinakailangan ang pagtataas ng singil sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito para masigurong hindi mauubos ang pondo. Tapos biglang ipinangangalandakan pa mismo ng mga opisyal ng SSS na ang bonus na kanilang natanggap ay dahil sa maganda nilang performance kung kayat kumita ang ahensiya.

Pera ng mga miyembro ang ginagasta at pinagpapasasaan ninyo! Mahiya naman kayo sa inyong mga sarili, dugo’t pawis naming mga nagtatrabaho ng matino ang nilulustay ninyo!

Mega blooper ang nangyari sa Malacañang.

Kundi pa kasi nasabon ng husto ang SolGen sa ginawang oral argument ng Korte Suprema at iginiit ni Associate Justice Antonio Carpio na hindi pa na-aabolish ang kontrobersiyal na PDAF, hindi pa aamin ang Malacañang na hindi pa nga tinanggal ang pork barrel ng mga mambabatas.

Akala siguro nila ay magogoyo nila ang Supreme Court.

Sa oral argument noong Huwebes, iginiit kasi ni Carpio na hindi isusulong ng Malacañang na i-lift na TRO laban sa PDAF kung ito ay inabolish na. Dahil dito, inamin na rin ni Deputy Presidential Spokesperson Valte na hindi pa nga na-aabolish dahil kailangan pa ng Kongreso na magpasa ng batas na nag-aabolish sa pork barrel ng mga mambabatas.

Taliwas ito sa unang naging pahayag mismo ni PNoy na tinanggal na niya ang PDAF at wala nang dahilan ang mga nagsusulong ng Million People March na magsagawa ng mga anti-pork rally.

May rason din pala si dating Chief Justice Reynato Puno na isulong ang people’s initiative para makalikom ng mga pirma kontra PDAF at maging ang DAP o Disbursement Acceleration Program.

Ngayon pa lamang tinaasan na ng kilay ni Speaker Belmonte ang isinusulong ni Puno sa pagsasabing, hindi ito ang unang pagkakataon na isinulong ang people’s initiative. Aniya, ginawa na rin ito noong panahon ni FVR at GMA pero ito ay tungkol naman sa pagbabago ng Konstitusyon, na kapwa namang nabigo.

Minaliit ni Belmonte ang people’s initiative para ma-abolish ang PDAF at DAP. Alam niya kasi na kung hindi isusulong ng

Malacañang ang pagpasa ng batas para i-abolish ang PDAF, hindi ito gugulong sa Kongreso.

Abangan na lamang natin kung sesertipikahan bilang urgent ni Pangulong Aquino ang isang panukalang batas na mag-aabolish sa PDAF ngayong umamin na ang Malacañang na buhay pa rin ang pork barrel ng mga mambabatas. Dahil sa rebelasyon tungkol sa PDAF, hindi rin kataka-taka na magpapatuloy pa rin ang mga protesta kontra pork barrel.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa komento, reaksyon, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending