Marco Sison maraming tanong sa biglang pagkamatay ng apong si Andrei: ‘Sobrang bait nu’n, walang bisyo, masunurin sa magulang’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Bobby Garrovillo, Jim Paredes, Dulce, Marco Sison at Rey Valera
HINDI raw sa kinukuwestiyon ng OPM icon na si Marco Sison ang mga kaloob ng Diyos, pero may mga tanong lang siya kung bakit namatay agad ang apo niyang si Andrei Sison sa edad na 17.
Sa mga hindi pa nakakaalam, si Andrei ay talent ng GMA 7 na nakatakda na sanang ipakilala sa publiko bilang pinakabagong artist ng Sparkle. Ngunit sa kasamaang palad, pumanaw siya noong Marso 24, dahil sa car accident.
“Ayoko namang tanungin yung mga… yung design (itinakda ng Diyos). Kaya lang siyempre, yun yung laging sinasabi, e, everything happens for a reason. Ano yun?
“So, sabi ko, ‘That I have to find out.’ Hihintayin ko yun in the coming days, months or years kung ano yun,” pagkibit-balikat ng veteran singer. Kung anong reason, di ba? Kasi ang dating sa akin, parang… parang sakripisyo.
“For something what? Bigger, better, brighter? He’s so full of life, di ba? So promising, so talented and then, wala lang. Hanggang doon lang. Hindi man lang niya naranasan yung sarap ng buhay ng isang tao,” ang emosyonal na pahayag ni Marco.
Nagkaroon ng chance ang BANDERA at ilan pang miyembro ng entertainment press na makausap ang seasoned OPM singer sa mediacon ng major concert niyang “The Class of OPM” nitong Abril 10, kung saan makakasama rin niya on stage sina Dulce, Rey Valera, Boboy Garrovillo at Jim Paredes ng APO Hiking Society.
Kasunod nito, naikuwento nga niya ang nauna na nating naisulat tungkol sa nangyari kay Andrei noong bata pa ito, “Pero nakakapagtaka, may nangyari diyan, e, when he was about 18 months.
“Nahulog yan sa third floor ng condo na tinutuluyan nila. Walang nangyari sa kanya, e.
“Walang nangyari. Parang meron lang siyang scratch. Actually, nagpa-panic yung tatay niya, si Alain, kung anong nangyari. Sabi ko, ‘Dalhin mo agad sa hospital.’ Pero I guess, wala talagang nangyaring malala,” pagbabahagi pa ni Marco.
Posible kayang iniligtas si Andrei ng kanyang guardian angel? “Siguro. Kasi 18 months, di ba? Practically baby pa yun. And then… eto, sakay ka ng kotse, naka-seatbelt ka, di ba? Lahat ng proteksiyon, airbag, everything… o, wala na. Parang ganu’n.”
Mismong ang tatay ni Andrei na si Alain ang tumawag kay Marco para ibalita ang nangyari sa kanyang apo, “Siyempre, kapag ganu’n, parang nakakabingi yun, e.
“Hindi mo alam kung totoo, tapos tatay… tatay ka, magbibiro ka ng ganu’n?Naniwala ako. Kaya lang, bakit ganu’n Hindi ko tinanong kung totoo. Basta, bakit kaya? Kasi, yun nga kaagad. Yung question mark.
“Eto na yun, di ba? Everything happens for a reason, sige! Aabangan ko yun kung ano yung rason na yun. Ngayon, hindi natin alam kung ano yun,” sabi pa niya.
Natanong din si Marco kung spoiler siyang lolo, “Hindi naman. Kasi, pag pumupunta sila sa bahay, siyempre okay ang relationship namin.
“Pero the usual lang. Walang…walang ano, mas may lokohan pa nga. Yung natatandaan ko sa kanya, mabagal tumangkad yun, e.
“Pero lately, bigla siyang tumaas. E, if you notice, si Andrei, ang laki ng tenga. Sabi ko nga, ‘Mas mabilis lumaki ang tenga mo kesa sa height mo.’ Iyon ang biruan namin lagi,” kuwento pa ng veteran singer.
Inalala rin ni Marco ang huling pagkakataon na nagkaharap at nagkausap silang maglolo, “Meron akong sasakyan na pinahiram, ang sabi ko, ‘Sige, sa inyo na yan. Kayo lang magpagawa,’ ganyan-ganyan.
“So sabi niya, ‘Puwede ko po bang gawing white yung sasakyan?’ Sabi ko, ‘Sige!’ Kasi, siya na ang gagamit.
“Eventually di ba, kung natuloy. Yun lang, last. Tapos… siyempre, busy na siya, e. Lagi na siyang nagwo-workshop. Kinukumusta ko na lang siya through his father. Na okay, tumataas na, marunong nang kumanta,” pagbabahagi pa ni Marco Sison.
Paglalarawan pa niya sa yumaong apo, “Sobrang bait nu’n. Walang bisyo. Nu’ng pandemic days, kahit bumili ng candy sa tindahan, hindi siya nakakalabas.
“So kapag sinabi ng tatay niya, ‘Huwag na,’ hindi siya umaalis. Ganu’n lang. E, sabi, kapag ganu’n daw, masyadong mabait, kinukuha ni Lord.
“Pero hindi, para sa akin, dapat mas malalim dapat ang rason kung bakit ganu’n,” ang pahayag pa ni Marco.
Samantala, kahit na nagluluksa pa, tuloy pa rin ang pagtatrabaho at pagpapasaya ni Marco sa madlang pipol, kasama nga siya sa concert na “The Class of OPM” with Dulce, Rey Valera, at ang dalawang miyembro ng APO Hiking Society na sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo.
Magaganap ang concert sa May 3 sa The Theater at Solaire kung saan may special participation din sina Andrea Gutierrez, Elisha at VR Caballero. Ito ay isa ring fundraising event ng Soroptimist International of the Americas Philippines Region.
Available na ang ticket sa Solaire Box Office at Ticket World. Para sa ticket reservation, tumawag lang sa 0932-404-9551. Ang “The Class of OPM” ay mula sa direksyon ni Calvin Neria at handog ng Echo Jham Entertainment Production.