HINIHIKAYAT ng 2023 Miss Universe Philippines pageant ang mga tagasubaybay na makibahagi sa patimpalak sa pamamagitan ng pagboto para sa mga paborito nila sa isang serye ng mga paligsahan, na nagsimula sa “Photoshoot Challenge” na sinimulan noong Abril 3.
“Got a favorite? Be sure to vote for them on the MUPH app to help them secure a spot in the live finale,” ihinayag ng patimpalak sa Facebook page nito, sinabi pang maaaring i-download ang app sa Apple App Store o sa Google Play Store.
Itinuturing na ng patimpalak ang mga tagahanga bilang “11th judge” sa kumpetisyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga boto nila. “All month long, tune in to our weekly challenges and cast your votes on the official Miss Universe Philippines App. Each challenge winner will have a secured spot in the live finale on May 13,” sinabi ng organisasyon.
Magtatapos sa Abril 9 ang botohan para sa unang hamon. Sa susunod na linggo, sasabak naman ang mga kandidata sa “Swimsuit Challenge” kung saan maaaring bumoto ang mga tagahanga mula Abril 10 hanggang 16. Panghuling hamon ang “Jojo Bragais Runway Challenge” na tatakbo mula Abril 17 hanggang 23.
Maaari na ring bumili ng tickets para sa Miss Universe Philippines coronation night na itatanghal sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Nakatakdang maghandog ng isang pagtatanghal si Nam Woo-Hyun mula sa KPop group na Infinite para lang sa mga manonood nang live, kaya inaanyayahan ang mga Pilipinong “Inspirit” na samantalahin ang “Inspirit Tier” tickets. “Exclusive perks and freebies are in store just for you,” dinagdag pa ng patimpalak.
Sa mga interesadong manood ng 2023 Miss Universe Philippines coronation night upang masilayan ang pagtatanghal ni Nam, pumunta sa SM Tickets outlets sa buong bansa o pumunta sa website nito. May tatlong “tier” na maaaring pagpilian ang mga Pilipinong Inspirit—Inspirit VIP na nagkakahalagang P12,780, Inspirit Lowerbox na nagkakahalagang P5,270, at Inspirit Upperbox na nagkakahalagang P1,490.
Ipinakilala rin ng Miss Universe Philippines organization ang dalawang mambabatas na kasama na ng pangkat. “Adviser for Women Empowerment” si Ilokano Ako party-list Rep. Richelle Singson, habang “Director for Charity” naman si Tutok To Win party-list Rep. Sam Verzosa.
Kokoronahan ni reigning queen Celeste Cortesi ang tagapagmana niyang babandera sa ika-72 Miss Universe pageant sa El Salvador ngayong taon. Tatangkain ng magiging reyna na maitala ang ikalimang panalo ng Pilipinas sa pandaigdigang patimpalak.