Sino ang maghahari?

Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. La Salle vs UST (Game 3)

MAGKAKAALAMAN ngayong hapon kung sino ang titingalain bilang hari sa 76th UAAP men’s basketball. Ang Mall of Asia Arena sa Pasay City ang siyang paggaganapan ng deciding Game Three sa pagitan ng De La Salle University at University of Santo Tomas na magsisimula sa ganap na alas-3:30 ng hapon.

Nauwi sa  isa’t-isa ang labanan matapos maghatid ang Growling Tigers at Green Archers sa naunang tunggalian. Nakauna ang UST, 73-72, pero nakatabla ang La Salle, 77-70, sa larong ginawa noong nakaraang Sabado.

Parehong naniniwala ang mga coaches na sina Alfredo Jarencio ng UST at Juno Sauler ng La Salle na walang koponan ang may bitbit na momentum sa larong ito dahil puso at determinasyon ang siyang magdadala sa koponan para manalo.

“We don’t have any momentum here. What is important is that we execute properly,” wika ni Sauler na nasa unang taon bilang coach ng koponan.

Hanap ng Archers na maduplika ang naitala noong 1999 nang bumangon ang koponang pinamumunuan nina Renren Ritualo, Don Allado at team skipper at ngayon ay San Juan City Vice Mayor Francis Zamora mula sa 0-1 deficit nang walisin ang huling dalawang laro.

Tiyak na hindi naman papayag ang Tigers na gustong gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang number four seed team na nagkampeon sa liga sapul nang gamitin ang Final Four.

“May kaunting adjustments kaming gagawin. Pero sa ganitong laro, mahalaga ang mental preparation. Sa akin, kailangan lamang na magawa namin ang mga maliliit na bagay,” ani ni Jarencio.

Ang sentro ng tagisan ay tiyak na nakasentro sa magkapatid na sina Jeric at Jeron Teng. Bukod pa ito sa magandang tapatan nina Karim Abdul at Arnold Van Opstal, Aljon Mariano at Norbert Torres, Kevin Ferrer at Almond Vosotros at Clark Bautista at LA Revilla.

Pihadong ang height advantage ang siyang sasamantalahin ng La Salle habang ang perimeter game ang dapat na mailabas ng Tigers upang tumaas ang tsansa na makuha ang ika-19th titulo sa UAAP.

Read more...