Baliw sa basketbol

TULAD ng inaasahan, patok na patok ang NBA Global Games sa Pilipinas. Tingnan n’yo lang ang matinding trapik sa paligid na idinulot ng laro sa pagitan ng Houston Rockets at Indiana Pacers Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena, mapapamura ka sa inis.

Pero hindi naman ako nagalit e dahil isa naman ako sa masuwerteng nakapanood ng live sa kauna-unahang NBA preseason game sa Southeast Asia na pinagwagian ng Rockets, 116-96.

At dahil exhibition game nga lang ito ay inaasahan ko namang hindi pupukpok nang husto ang mga Rockets at Pacers. Mahirap nga naman at baka ma-injured pa sila hindi pa man nag-uumpisa ang 2013-14 season.

Tulad na nga lang sa nangyari sa backup center ng Houston na si Donatas Motiejunas na masama ang bagsak matapos na makaiskor ng fastbreak dunk.

Ang akala ko nga ay matindi ang injury niya sa second period pero bumalik siya sa second half at humataw pa nang husto. Nagtapos siya na may 16 puntos sa 7-of-12 shooting.

Ginagamit kasi ng mga NBA coaches ang preseason para makilatis ang kahandaan ng mga players, lalo na ‘yung mga second-stringers.

Kumbaga, dito dapat magpakita ng gilas ang mga reserve players para mabigyan sila ng mas mahabang playing time sa regular season.

Sa puntong ito, sa tingin ko ay sina Omri Casspi ng Rockets at Orlando Johnson ng Pacers ang nakakuha ng malaking pogi points noong Huwebes.

Si Casspi, na dating naglaro sa Sacramento Kings at Cleveland Cavaliers, ay tumapos taglay ang 17 puntos at 10 rebounds. Malaki ang maitutulong ni Casspi sa outside game ng Houston at mabibigyan pa niya ng magandang offensive option ang second unit ng Rockets.

Sa panig naman ng Pacers, parang hindi pa handa ang team na ito sa regular season. Medyo kinakalawang pa ang koponan maliban kay Paul George na may 17 puntos at kay Johnson na umiskor ng 11 puntos off the bench.

Pero kahit pa maganda ang ipinakita ni Johnson sa loob lamang ng 12 minutong paglalaro ay matinding kumbinsi pa ang kailangan niyang gawin para ma-impress si Pacers coach Frank Vogel.

Paano ba naman, maraming kaagaw sa puwesto si Johnson sa Pacers lineup. Hindi pahuhuli sa backcourt ang Indiana dahil nasa kanila sina George Hill at CJ Watson bilang mga point guards at sina George, Lance Stephenson at Donald Sloan sa two-guard position.

Huwag din nating kalimutan na nasa team pa ang dating All-Star player na si Danny Granger na puwede ring maglaro sa dos.
Actually, isa si Granger sa pinagmasdan ko ng husto sa laro.

Gusto kong makita kung nagbalik na ba ang kanyang husay at liksi matapos siyang magtamo ng injury. Isa kasi siya sa mga paborito kong players, lalo na sa fantasy leagues.

Well, sa tingin ko ay hindi pa niya mababawi ang starting position niya kay George sa umpisa ng season. Pero malay natin, baka ilang buwan lang ay mahanap na ni Granger ang kanyang dating range at mabawi niya ang kanyang All-Star status, di ba?

Noong Huwebes kasi ay umiskor siya ng siyam na puntos ngunit tumira lamang ng 2-of-10 mula sa field. Sa three-point area ay 0-of-3 din siya at sa tingin ko, talagang pinipilit niyang maibalik ang kanyang husay.

Nagpakita rin ng magandang “show” sina James Harden, Chandler Parsons at Jeremy Lin ng Houston. Ibang klase talagang maglaro itong si Harden at kung fantasy league ang pag-uusapan, nasa top 10 caliber na siya.

Matindi rin ang energy na ipinakita nina Parsons at Lin na importante rin sa rotation ni Rockets coach Kevin McHale.
Pero siyempre, ang matchup na talagang nais kong makita sa larong ito ay sa gitna.

Narito kasi ang dalawa sa masasabi nating “top centers” ng liga na sina Dwight Howard ng Houston at Roy Hibbert ng Indiana.
Mas maliksi at may mas maraming galaw si Howard pero mas matangkad at mas malaki si  Hibbert.

Sa umpisa ng laro ay naiikutan ni Howard si Hibbert pero sa second half ay umpisa nang magpahiwatig ng lakas si Hibbert lalo na sa depensa. Halos pareho lang kasi ang kalibre ng dalawang ito kaya halos patas lang ang laban.

Si Howard ay may siyam na puntos at tatlong rebounds habang si Hibbert naman ay may anim na puntos at walong rebounds. Pareho rin silang may apat na turnovers na mataas para sa mga sentrong tulad nila.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang NBA Global Games sa bansa. Mahalaga na naipahiwatig nating mga Pilipino ang kabaliwan natin sa basketbol.

Kaya naman ngayon pa lang ay pinag-iisipan na ng NBA na bumalik sa Pilipinas para sa isa pang tune-up game o di kaya ay magsagawa ng isang regular season game rito.

Pero mukhang imposible pa itong mangyari kaya makuntento na lang tayo sa preseason games. At sana sa susunod na taon, Los Angeles Clippers at New York Knicks naman ang dadayo dito sa atin. Ang dalawang ito kasi ang mga manok ko para sa 2013-14 season.

Read more...