SA kabila ng mainit na panahon, pinagkaguluhan ng daan-daang tagahanga ang mga artistang sakay ng kanilang float at pumarada sa kahabaan ng Quezon City.
Nitong April 2 kasi umarangkada ang tinatawag na “Parade of Stars” ng walong pelikulang kasali sa Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang nasabing parada ay nagsimula sa Villa Beatriz sa Commonwealth Avenue at nagpatuloy hanggang sa Quezon Memorial Circle.
Ang official entries sa kauna-unahang Summer MMFF ay mapapanood mula April 8 hanggang 18.
Ang awards night o “Gabi ng Parangal” ay mangyayari naman sa April 11 sa New Frontier Theater sa Cubao.
‘Yung Libro Sa Napanuod Ko’
Unang-una sa “Parade of Stars” ang book-inspired float ng pelikulang “Yung Libro Sa Napanuod Ko” na pinagbibidahan nina Bela Padilla, Yoo Min-gon, at Boboy Garrovillo.
Ang float ay isang pagpupugay sa kwento ng pelikula na kung saan ay nagtagpo ang isang Pinay author at Korean fan na nagkaroon ng pagkakataon na bisitahin ang mga destinasyon na tampok sa K-dramas.
‘About Us But Not About Us’
Sakay ng magarbong float ng “About Us But Not About Us” ang mga bida na sina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas na excited na binabati ang mga taong nanonood ng parada.
‘Here Comes The Groom’
Hugis flamingo naman ang naging float ng “Here Comes The Groom” na sakay sina Enchong Dee, Maris Racal, Awra Briguela, Kaladkaren, Miles Ocampo, at ang “Drag Race Philippines season one” alum na si Xilhouette.
Kapansin-pansin din sa float ang mga lalaking topless at ibinandera ang kanilang abs.
‘Love You Long Time’
Pinangunahan nina Carlo Aquino at Eisel Serrano ang flower-decked float ng “Love You Long Time” na kung saan ay binabati pa nila ang madalang pipol gamit ang kanilang mic.
Ang disenyo ng float ay pagpupugay sa Northern Blossom Flower Farm ng Atok, Benguet na kung saan naganap ang pelikula.
‘Single Bells’
Piyesta ang naging tema sa disenyo ng float ng pelikulang “Single Bells” at lalo pa itong binigyang-buhay nina Alex Gonzaga, Angeline Quinto, at Aljur Abrenica.
Ayon pa kay Alex, ang rom-com movie ay tungkol sa mga single na desperado nang makahanap ng kanilang true love.
‘Apag’
Lalong umingay ang mga kalsada ng dumaan ang float ng “Apag” na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Nakasakay rin diyan sina Senador Lito Lapid, at mga batikang aktres na sina Gladys Reyes at Jaclyn Jose.
‘Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko’
Agaw-pansin sa float ng “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” ang mga disenyo ng papier-mache ng mga phonograph records, musical notes at vintage microphones na sakay sina RK Bagatsing at Meg Imperial.
Ayon sa dalawa, nais nilang ipaalala sa mga manonood ng pelikula ang mga awitin ng OPM icon na si Rey Valera.
‘Unravel: A Swiss Side Love Story’
Ang float ng “Unravel: A Swiss Side Love Story” ay inspired sa sikat na transportasyon ng Switzerland, ang double-decker bus.
Ang mga bida na sina Gerald Anderson at Kylie Padilla ay masayang binati ng mga tagahanga.
Related Chika:
Float ng ‘Mamasapano: Now it Can Be Told’ sa MMFF parade walang artista, anyare?