Sana matupad ang lahat ng pangako ni P-Noy

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

“WALANG wang-wang, walang counter-flow” sabi ni Pangulong Noy sa kanyang inaugural speech sa Quirino Grandstand sa Luneta kahapon.
Ay, salamat, wala nang manglalalamang sa mga highway at kalye!
Kaya nagkakandaleche-leche ang traffic natin ay dahil sa mga kotse ng mga opisyal na may maraming escorts at de hagad pa na sumisingit sa masikip na trapiko.
Ipinakikita nila ang kanilang kaibahan sa mga ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng pagsingit nila sa trapiko, sa linya sa mga opisina ng gobyerno, at sa ibang bagay kung saan maraming tao.
Magaganda ang mga pangako ng ating bagong Pangulo lalo na ang “walang wang-wang, walang counter-flow, walang padrino, walang tong.” Sana ang lahat ng mga ito ay matupad.
Unahin natin ang kawalan ng disiplina sa kalye.
Ang paglabag ng batas-trapiko ay likas na sa ating mga Pinoy.
There is chaos in the streets because nobody obeys traffic rules.
Ang mga nangunguna sa paglabag ng batas-trapiko ay mga taong may katungkulan: mga politicians, Cabinet members, mga pulis at militar.
Nilalabag ng mamamayan ang batas trapiko dahil ginagaya lang nila ang mga taong nasa kapangyarihan.
Sino ang nakakita ng isang police patrol car na tumitigil sa red light?
Nakakita na ba kayo ng isang police patrol car o motorcycle na nakaparada nang maayos sa kalye? Bihira lang.
Kung ang pulis, na nagpapairal ng batas, ay siyang lumalabag mismo sa batas, maaasahan mo ba ang isang ordinaryong drayber o motorista na susunod sa batas-trapiko?
* * *
Kapag nagkaroon ng disiplina sa kalye, tiyak na magkakaroon na rin ng disiplina sa ibang aspeto ng buhay-Pinoy.
At kapag may disiplina, magkakaroon na ng progreso ang ating bayan.
Sa ibang bayan na maunlad, gaya ng Singapore, disiplinado ang mga tao sa kalye. Wala kang nakikitang drayber na nanlalamang sa kapwa drayber. Wala kang nakikitang tumatakbong sasakyan na kontra sa daloy ng trapiko.
* * *
Sa ating bansa lang ginagamit ng mga drayber ang calling cards ng kanilang mga kaibigang may kapangyarihan upang huwag hulihin ng pulis kapag siya ay lumabag sa batas-trapiko.
Siyempre, hindi na huhulihin ng pulis ang drayber na lumabag sa batas-trapiko dahil pinakitaan ito ng calling card ng isang taong may katungkulan.
Kung sa kalye ay kinakailangang may padrino, sa ibang bagay pa kaya, gaya ng pagkuha ng government contracts.
* * *
“Walang tong,” sabi rin ng Pangulong Noy sa kanyang inaugural speech.
Kapag nawala ang tong o lagayan sa gobyerno, susunod na ang lahat sa batas dahil hindi na tatanggapin ang perang-suhol.
Wala nang smuggling o tax evasion dahil wala nang BIR or customs official na susuhulan.
Kapag dumating tayo sa ganoong kalagayan, malaki ang ikauunlad ng ating ekonomiya.
At kapag umunlad ang ating ekonomiya, magkakaroon ng maraming pera ang mamamayan dahil maraming pabrika at kalakalan ang mabubuksan.
Kapag nagkataon, magiging totoo ang campaign battle cry ni Noynoy: Kapag walang corrupt, walang mahirap.

Bandera, Philippine News, 070110

Read more...