Enchong Dee umaming matinding challenge ang gumanap na transwoman: ‘Ang hirap maging babae!’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Enchong Dee, Joji Alonso at Kaladkaren Davila
BAGAMAT mukhang nominado naman ang lahat ng aktor na may pelikula sa 1st Summer Metro Manila Film Festival ay ilalaban namin si Enchong Dee sa pagka-Best Actor para sa pelikulang “Here Comes The Groom” na idinirek ni Chris Martinez.
Magaling na aktor si Enchong kaya’t nabigyan niya ng justice ang karakter niyang si Junior na sumapi sa katawan ng transgender woman na si Kaladkaren bilang si Wilhelmina at talagang tawang-tawa ang lahat na nanood ng pelikula sa premiere night nito sa SM Megamall Cinema 1 nitong Miyerkules.
Tinutukan namin ang pagiging transgender woman ni Enchong na pati pilantik ng kamay ay nakakatuwa lalo na kapag niyayaya na siyang magsiping ng mapapangasawang si Miles Ocampo as Yumi ay talagang hindi niya malaman ang gagawin.
Hanggang sa ikasal sila ay hirap na hirap si Enchong dahil kailangan niyang magkilos bakla pa rin at dahil hindi na makayanan ang ilang beses nilang mag-kiss ni Miles ay nagtatakbo siya sa banyo at naghuhumiyaw.
Bungad ng aktor sa mediacon ng kanilang pelikula, “Ang hirap maging babae!”
Oo, totoong mahirap maging babae lalo na kung hindi mo ito nakasanayan dahil unang beses palang gaganap na bakla si Enchong sa kabuuan ng showbiz career niya.
“Yes” na lang daw ang naisagot niya kay Quantum Films producer Atty. Joji Alonso nang tawagan siya, “Sunday night, tumawag po sa akin si Atty. Joji. Pag kausap niyo po si Atty. Joji, parang wala po kayong ibang sagot kundi ‘yes.’ Ganu’n po siyang mag-present ng pelikula.
“Pero gusto ko rin pong pasalamatan si Atty. Joji kasi nu’ng kinausap niya ako, hindi ko alam kung totoo o hindi. Pero sabi niya sa akin, ‘Ikaw talaga ang naiisip ko dito.’ Kaya sabi ko, ‘Sige po, laban. Kailangan ko po ng ganitong materyal. Gawin po natin ito!’” kuwento ng aktor.
Thankful din si Enchong sa direktor nilang si Chris Martinez dahil na-guide siya sa mga gagawin niya bilang transgender woman at kay Kaladkaren.
Pagbabahagi ng aktor, “Yung kalahati po ng trabaho, kay Direk Chris kasi buong-buo ‘yung script nu’ng binigay po sa amin. At kalahati po ng pelikula, dahil kay Kaladkaren.
“Yung generosity ni Kaladkaren para ibahagi kung paano niya gagawin si Wilhelmina, siya po talaga to. And I will always be thankful to Kaladkaren for being so generous. Kasi po bawa’t eksena, kahit po tulog na siya, gigisingin po siya ng production para tanungin lang, paano niya ito ide-deliver?
Ganu’n po siya ka-generous. Kaya Kaladkaren, I love you! I love you! I love you!”
Say naman ni Kaladkaren, “Ako rin, nagpapasalamat ako nang buong puso kay Enchong. Kasi sa bawat eksena ko rin, tinatanong ko siya kung paano niya ide-deliver ‘yung line (as Junior)
“So thank you, Enchong, for helping me to become a man. Kasi sa totoo lang po, napakahirap po para sa isang transgender woman na katulad ko na magpakalalaki o maging lalaki. Kasi yun na nga po ang bagay na tinalikuran ko na!
“Ayokong maging lalaki. Pero sa pelikulang ito, hinugot ko lahat ng kaya kong hugutin para magboses-lalaki, kumilos-lalaki. Because I don’t walk like that, I don’t talk like that, I don’t stare at someone like that.
“So, tinalikuran ko na to, e! Tapos lalaki na naman ako?! Katulad nung sinabi ni Enchong, yung line niya… blast from the past. So, parang ako, ramdam na ramdam ko yun as a transgender woman na, ‘Oh my God! Lalaki ako dito?! Paano ko ba ito gagawin?!’
“But here you are, you know, Enchong, direk helped me so much! Yung AD natin, tinulungan din po ako nang bonggang-bongga. Thank you po, Direk!” aniya pa.
Samantala, nakasama kami sa cast party ng “Here Comes The Groom” pagkatapos ng mediacon at panay pa rin ang bati ng buong cast sa isa’t isa dahil naitawid nila ng maganda ang mga karakter nila.
Napansin din namin na lahat sila ay close as in kahit mga supporting role ay tsika rin ng mga bida kaya naniwala kami na maganda ang samahang nangyari habang sinu-shoot nila ang pelikula na produced ng Quantum Films at Cineko Productions.
Sa nasabing cast party ay naroon ang isa sa producer na masasabing silent producer na si Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at ang saya-saya niya at tuwang-tuwa siya sa pelikula na talagang nag-enjoy siya pero hindi na siya nag-stay habang mediacon dahil dumiretso na siya sa venue ng party.
Si Atty Joji naman ay panay ang tanong kung anong feel namin sa pelikula at sabi namin ay maraming tao ang gustong matuwa ngayon kaya think positive na kikita ang “Here Comes The Groom.”
Anyway, ang iba pang cast members ng “Here Comes The Groom” ay sina Keempee De Leon (Rodrigo) Gladys Reyes (Salve), Maris Racal (Blesilda), Miles Ocampo (Yumi), Awra Briguera (Whitney) Xilhouete (Wanda), Nico Antonio (Winona), Iyah Mina (Wendy) Fino Herrera, at Kim Atienza. Mapapanood na ito simula sa Abril 8.