PINAANGAT ng mga tagahanga si Ingrid Santamaria ng Pilipinas sa Reina Hispanoamericana pageant, binoto siya upang makapasok sa semifinals.
Nalusutan ng gradweyt ng De La Salle University ang unang tanggalan bilang winner ng fan vote at nakakuha ng puwesto sa Top 14, kung saan din nagtapos ang karera niya sa korona.
Nasungkit ni Arlette Rujel ang korona sa pagtatapos ng patimpalak na itinanghal sa Santa Cruz, Bolivia, noong Marso 25 (Marso 26 sa Maynila). Minana niya ang titulo mula sa Mexicanang si Andrea Bazarte na nagwagi noong isang taon.
Si Rujel ang unang kinatawan ng Peru na kinoronahang Reina Hispanoamericana, kahit mula pa sa mga unang edisyon ng patimpalak bilang “Reina Sudamerica.”
Hinirang bilang Virreina (vice queen) si Adriana Pérez mula Venezuela, habang first runner-up naman si Guilhermina Montarroyos mula Brazil.
Second runner-up si Ediris Rivera mula Puerto Rico, third runner-up si Diana Robles mula Mexico, at fourth runner-up Maria Lucia Cuesta mula Colombia.
Edisyon para sa 2022 ang katatapos na patimpalak. Una itong nakatakda noong Oktubre ng nagdaaang taon, ngunit naunsyami dahil sa kaguluhang nangyayari sa Bolivia noon.
Nitong Disyembre, sinabi ng organisasyon na Pebrero 2023 na itinakda ang patimpalak, ngunit natuloy ito ngayong Marso na.
Nakapagtala na ng panalo ang Pilipinas sa patimpalak na teritoryo ng mga Latina, sa pamamagitan ni Teresita Ssen “Winwyn” Marquez na nagwagi noong 2017. Siya ang unang reyna mula sa Asya, at ang unang kandidatang pinadala ng Pilipinas sa Reina Hispanoamericana pageant.