HIHINGI umano ng paumanhin si dating Pangulo at ngayon ay Manila mayor Joseph Estrada sa Hong Kong dahil sa madugong hostage crisis thesa Quirino Grandstand sa Luneta noong 2010 na ikinamatay ng walong turista.
Ayon kay Estrada, hihilingin din niya sa Hong Kong na kung maaari ay i-lift na nito ang travel advisory laban sa bansa, sa kanyang gagawing pag-alis ng bansa sa susunod na buwan.
“Next month I’m going to Beijing. On the way home I will stop by Hong Kong. Papakiusapan ko na i-lift ang travel ban,” pahayag ni Estrada sa mga reporter nang gawin ang pagtanaw sa ika-100 araw niya sa puwesto.
“In the first place, they only want the mayor to apologize. Even if I am not the mayor then, I will apologize in behalf of the people of Manila for the unfortunate incident,” ayon kay Estrada.
Si Alfredo Lim ang alkalde ng Maynila nang maganap ang madugong pangho-hostage sa may 20 turista mula sa Hong Kong noong Agosto 23, 2010. Napatay ang hostage taker at ang walong Hong Kong national.
Kamakailan lang ay binulyawan si Pangulong Aquino ng mga Hong Kong journalists sa pagtitipon ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa sa Asya para sa Asia Pacific Cooperation summit sa Bali.
Pasigaw na tinanong ng mga ito na kung handa na ba siyang humingi ng sorry sa Hong Kong dahil sa nangyaring hostage-taking. Hindi naman tumugon si Aquino sa mga tanong.