UNANG umapit sa Bantay OCW si Erlinda Espenida galing Romania. Isa siyang mananahi at hindi nakakuha ng kumpletong suweldo mula sa kaniyang employer noon kasama ng iba pang mga Pilipinang mananahi roon.
Ito ang kasong isinampa nila sa POEA at NLRC noon para sa kanilang money claim. Naging benepisyaryo din si Erlinda ng Bantay OCW noon nang sa kanila namin ibigay ang kabuhayan package ng LBC pati na ang scholarship program para sa anak nito.
Hindi rin doon nahinto ang kaugnayan ni Erlinda sa Bantay OCW. Madalas din siyang magsama ng mga kaibigan at kakilalang nangangailangan ng tulong mula sa aming programa. Hanggang isang umaga, naging bisita namin ang anak nitong si Ronald, na nagpakilalang siya ang scholar namin noon sa LBC.
Sinabi niyang kailangan muli ng tulong ng kaniyang nanay dahil hindi na naman nasunod ang kontrata nito sa Saudi Arabia.
Nagulat pa kami dahil umalis na naman pala itong si Erlinda. Hindi na naman siya pinapasahod ng tama ng employer.
Kaya naman nakipag-ugnayan kami agad sa POEA at sa Aisis International, ang ahensiyang nagpaalis kay Erlinda. Nangako naman sa POEA ang Aisis na aasikasuhin nila ang kaso ni Erlinda at nang mapa-suweldo ito ng kumpleto.
Tulad din ni Erlinda, dati nang lumapit sa Bantay OCW si Ruth V. nang magkaproblema ang asawa sa Saudi. Mabilis namang napauwi ang ating OFW nang panahong iyon.
Muling dumulog si Ruth at sinabing hindi na naman nagpapadala ng buwanang suporta ang asawa na nasa Saudi ngayon. Mas inuuna ‘anya nito ang sarili sa pagbili ng mga gadget kung kaya’t sa halip na ipadala sa pamilya ay puro pang sarili lamang ang inaatupag nito.
Wala na rin kaming inaksayang panahon sa reklamo ni Ruth. Tinawagan namin si Mister OFW sa Saudi at laking gulat pa nito na tumatawag sa kanya ang Bantay OCW. Agad itong nangako na magpapadala sa asawa.
Alibi ni mister, madalas bawasan ang suweldo niya ng kaniyang employer sa tuwing siya’y nagkakamali.
Regular na tagapakinig ng Bantay OCW si Melba, asawa ng seaman. Kaya naman ng magkaproblema ang kapitbahay nitong si Mel ng Caloocan, kaagad niyang niyaya ito na magtungo sa Radyo Inquirer.
Galing Qatar ang asawa ni Mel at kasalukuyang nagbabakasyon sa Pilipinas. Una pa rito, maraming beses nang nahuli ni Mel na nambababae si mister. Dati may access ‘anya siya sa Facebook account ng asawa. Ngunit nitong bandang huli, hindi na niya mabuksang ang FB niya.
Kaya nang subukan niyang magbukas sa ibang account, doon niya nahuli ang asawa kasama ng babaeng kayakap nito sa Qatar.
Katulad ng dati, kahit anong tanong at kumprontasyon ang gawin niya, walang kamatayang denial o pagtanggi naman ni mister.
Kaibigan lang ‘anya iyon at wala iyon. Ngunit palagi, sa galit na tono.
Naisip ni Mel na pagsamahin ang pangalan ng asawa at babaeng kasama sa litrato at maaaring ito ang ginamit nilang password. Tama siya. Nabuksan niyang muli ang FB nito at nabasa niya ang lahat-lahat na usapan ng dalawa hanggang sa plano nitong pagbabakasyon sa Pilipinas.
Palibhasa’y nakuha niya ang schedule ng pagdating ni mister, sinundo siya ni Mel kasama ang 2 anak sa airport. Umuwi naman ang asawa nang gabing iyon, ngunit kinabukasan umalis ito at magtutungo daw sa POEA. Tatlong araw siyang hindi bumalik.
At naging ganoon ang istilo nito, lulubog, lilitaw sa kanilang tahanan.
Hangad sana ni Mel na magkaroon ng kasunduan para sa tamang suporta sa pamilya, kahit pa tanggap na niya na babaerong tunay ang OFW. Payo ni Atty. Elvin Villanueva, magtungo si Mel sa kanilang barangay at doon na muna magsumbong.