IPINAGBUNYI ang pambihirang pagwawagi ni Michelle Yeoh sa katatapos na Academy Awards, bilang unang Asyanang aktres na tumanggap ng Oscar bilang Best Actress, umani ng pagpupugay mula sa iba’t ibang panig ng mundo, maging sa Miss World Organization (MWO).
“Michelle Yeoh makes history,” sinabi ng 72-taong-gulang na global pageant organization sa social media kasunod ng tagumpay ng Malaysian actress para sa pagganap bilang Evelyn Quan Wang sa “Everything Everywhere All at Once” sa ika-95 paggawad ng parangal ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS) na itinanghal sa Dolby Theater sa Los Angeles, California, sa Esatados Unidos noong Marso 12 (Marso 13 sa Maynila). Wagi ring Best Picture ang pelikula.
“Miss Malaysia 1983, Michelle Yeoh has made history as the first woman of Asian descent to win the Best Actress award,” sinabi ng organisasyon. Kinatawan ng aktres ang Malaysia sa ika-33 edisyon ng pandaigdigang patimpalak na itinanghal sa Royal Albert Hall sa United Kingdom noong 1983. Hindi siya pumuwesto sa pageant.
“The action scenes allow Yeoh to display her incredible abilities as a martial artist but it’s her grounding through the crazy situations that won her the best actress award,” pagpapatuloy pa ng MWO.
Nagkataon namang isa ring dating kandidata ng Miss World ang naghandog kay Yeoh ng Oscar niya, ang aktres na si Halle Berry na kumatawan sa US sa ika-36 edisyon ng pandaigdigang patimpalak na itinanghal noong 1986, sa Royal Albert Hall din. Nagtapos sa Top 7 ang Amerikanang aktres.
Iginawad ni Berry ang tropeo bilang kahalili ng aktor na si Will Smith, na pinagbawalang dumalo sa palatuntunan ng Oscar nang 10 taon dahil sa pagsampal niya sa host na si Chris Rock sa entablado noong isang taon. Nakasanayan nang iginagawad ng Best Actor ng nagdaang taon ang tropeo sa Best Actress.
Tulad ni Yeoh, umukit din ng kasaysayan si Berry sa pagwawagi niya ng Oscar para sa “Monster’s Ball” noong 2001, bilang unang babaeng African-American na hinirang na Best Actress.
Nauna nang binati ng MWO si Yeoh para sa pagwawagi bilang Best Actress sa ika-80 Golden Globe Awards, para rin sa “Everything Everywhere All at Once.”