MAKARAANG ihayag ng Singapore-based na Lumiere International Pageantry na magtatanghal ito ng “Mrs. Philippines Asia Pacific” pageant, naghahanap din pala ito ng mga Pilipinang nagnanais bumandera sa dalawang pandaigdigang patimpalak para sa mga babaeng single.
Sinabi sa Inquirer ni Justina Quek, pinuno ng organisasyon, sa isang online interview na itatanghal din niya ang Miss Philippines Lumiere International World pageant, kung saan pipiliin ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas para sa dalawang pandaigdigang patimpalak ng Lumiere International Pageantry.
Babandera ang magiging reyna sa 2024 Miss Lumiere International World pageant na pansamantalang nakatakda sa Enero sa Singapore, habang ipadadala naman ang first runner-up sa 2024 Miss Tourism Worldwide contest, na pansamantalang nakatakdang mangyari sa Hong Kong sa Pebrero.
Naitala ng Pilipinas ang panalo sa unang edisyon ng Miss Tourism Worldwide pageant na itinanghal sa Indonesia noong 2018. Hinirang na reyna si 2017 Miss World Philippines Second Princess Zara Carbonell, anak ng aktor na si Cris Villanueva. Wala pang ibang Pilipinang nagwawagi pagkatapos niya.
Ngunit nananatiling mailap ang korona ng Miss Lumiere International World para sa mga Pilipina. Pinakamataas nang puwesto para sa Pilipinas ang pagiging first runner-up ni Sammie Anne Legaspi noong 2017.
Bukas ang auditions para sa bagong national pageant sa mga Pilipinang single mula 20 hanggang 29 taong gulang. Itinakda ang minimum height requirement na 1.6 meters (nasa 5’3”). Kinakailangang pumunta ng mga aplikante sa on-site auditions sa Glass Meeting Room 8 ng Okada Manila sa Parañaque City sa Marso 18, alas-2 ng hapon.
Lilipad si Quek sa Maynila upang personal na pangasiwaan ang on-site auditions, hindi lamang para sa mga aplikante para sa Miss Philippines Lumiere International World pageant, kundi maging sa mga nagnanais sumali sa Mrs. Philippines Asia Pacific pageant sa naturang lugar at petsa rin.
Sasamahan si Quek sa Maynila nina 2019 Mrs. Singapore Global Universe Ronalyn Tingcang Tay at 2019 Mrs. Singapore Worldwide first runner-up Mary Ann Carlson.