Janina San Miguel nag-explain kung bakit biglang umalis sa bagong beauty pageant

Janina San Miguel-Sahota/ARMIN P. ADINA

Janina San Miguel-Sahota/ARMIN P. ADINA

GINULAT ni dating Binibining Pilipinas World Janina San Miguel-Sahota ang mga tagasubaybay ng pageants nang magpa-screen siya sa isang bagong patimpalak para sa mga ginang at ina 15 taon mula nang masungkit ang isang national title sa kaniyang “first pageant ever.”

Ngunit kagyat na nagtapos ang pagbabalik niya sa pageantry nang lumabas ang ulat na hindi na siya magpapatuloy ilang araw lang makaraang ipakilala bilang opisyal na kandidata ng Mrs. Face of Tourism Philippines.

“Nag-back out na po ako,” kinumpirma ni San Miguel sa Inquirer sa isang text message noong Marso 11. Binigyan siya ng organizers ng hanggang sa weekend na iyon upang magbago ng isip, ngunit pinaninindigan ng dating beauty queen ang pasya niya.

Ipinakilala ng organisasyon si San Miguel, kasama ang 15 iba pang kalahok, kabilang ang mga dating sexy actress na sina Sabrina M at Alma Soriano, noong Marso 4. Noong Marso 7, nag-post ang pageant sa social media na hindi na siya magpapatuloy sa patimpalak. Tinanggal na ang naturang post ngayon.

Nakarating sa Inquirer ang ulat na nakaalitan ni San Miguel ang direktor na si Marky delos Santos. Kinumpirma ito ng dating beauty beauty queen. “Unprofessional mga director nila, nagpo-post ng kung ano-ano sa [chat group] namin like Red Horse, tapos kami pa ang may mali kapag ’di namin nakita mga update sa [group] dahil sa mga unrelated topics na pino-post niya. Kaya ako nag-leave sa [group],” ipinaliwanag niya.

“Tapos pinost nila sa page nila na tanggal na ako without my manager’s consent, samantalang ’yong ibang candidates na nag-backout hindi naman nila pinost,” pagpapatuloy pa ni San Miguel.

Sinabi ng dating beauty queen na pinag-initan siya dahil siya lang ang nangahas na magsalita tuwing may nakikitang mali sa pageant. “Ayokong nakakarinig na may unfair na nangyayari kaya kino-call out ko,” aniya.

Kinumpirma sa Inquirer ng pageant organizer na si Annie Refrea na may isa pang kandidatang umatras, isang ginang mula Davao. Walang nakitang anumang post sa social media page ng patimpalak na naghahayag ng paglisan ng isa pang kalahok mula Davao. May 20 kandidatang nakatakdang makibahagi sa pagtitipon noong Marso 4, makikita sa talaan ng production. Ngunit 16 lang ang sumipot, at isa sa mga lumiban ay mula Davao.

Sinabi ni San Miguel na wala naman siyang balak na bumalik sa pageantry. “Kaya lang naman kami sumali ni Sabrina sa contest kasi in-invite kaming sumali to support the very first ‘Mrs. pageant’ of [National Association of Independent Travel Agencies],” ipinaliwanag niya.

Manager niya at ni Sabrina para sa patimpalak si Pia Borromeo, na kasapi ng NAITAS board of trustees kasama si Refrea. Sinabi pa ni San Miguel na patuloy na hahawakan ng manager ang pagsalang ng dating sexy actress sa pageant na iniwanan niya.

Ibinahagi rin ni San Miguel na sumagi rin umano sa isip ni Sabrina ang umatras. “Sabi niya, ‘sis nag-Binibini ka, ako nag-Mutya, hindi ganito, ’di ba, na ikaw ang magbabayad ng hotel at make-up artist, may entry fee pa?’” aniya.

Kinumpirma rin ng dating beauty queen na tutuloy pa rin ang dating sexy actress sa pagsali. “Mukhang happy naman na si Sabrina now, ’di na magba-backout. Nag-courtesy call na sa governor ng Bulacan, nabigyan na siya ng pera,” ani San Miguel.

“Move na ako diyan. Sa totoo lang, Christian din ako at upcoming pastor kaya ayoko na sanang sumali pa ng pageants,” pagpapatuloy pa ni San Miguel.

Read more...