Dentista mula Caloocan kinoronahang Miss Supermodel Philippines
NAGLALAGAY si Shyrla Nuñez ng korona sa mga sirang ngipin bilang isang dentista, ngunit siya mismo tumanggap ng sarili niyang korona sa Miss Supermodel Philippines contest nang masungkit ang pinakamahalagang titulo sa pagtatapos ng patimpalak na itinanghal sa Pandanggo-Polkabal Hall ng Manila Hotel sa Maynila noong Marso 6.
Dinaig ng reyna, na mula sa isang pamilya ng mga dentista sa Caloocan City, ang 14 iba pang mga kalahok upang tanggapin ang korona mula kay reigning Miss Supermodel Worldwide Alexandra Mae Rosales, ang unang Pilipinang nakapag-uwi ng pandaigdigang titulo. Pasan ngayon ni Nuñez ang tungkuling bigyan ang Pilipinas ng back-to-back na panalo sa pandaigdigang patimpalak na itatanghal sa India sa susunod na buwan.
Tinanggap din ng bagong reyna ang mga parangal bilang Best in Filipiniana at Miss Congeniality, at isa sa tatlong “Print Supermodels.” Isa rin si Nuñez sa tatlong kandidatang pinili ng mga kawani ng midya bilang “Press Supermodels,” kasama sina first runner-up Aileen Santiago mula Cabanatuan City at second runner-up Querubin Gonzalez mula Marinduque.
Dahil sa pagtatapos sa pangalawang puwesto, hinirang din si Santiago bilang “Face of Velvet Media.” Nanguna rin siya sa dalawang major segments at itinanghal bilang “Body Supermodel” at “Beauty Supermodel.” Tinanggap din niya ang mga parangal bilang “Charity Supermodel” at “Popularity Supermodel,” at isa sa limang kandidatang pinili bilang “Faces of Aurea Aesthetic and Wellness.”
Sa pagtatapos naman sa ikatlong puwesto, hinirang din si Gonzalez bilang “Face of Top Shelf Magazine.” Itinanghal din siya bilang “Runway Supermodel” at “Style Supermodel,” isa sa tatlong “High Fashion Supermodels,” at isa sa limang “Misses Asia’s Lashes.”
Third runner-up si Imogene Belles mula sa Lungsod ng Maynila, na Miss Nailspagram din at isa sa tatlong “Brand Supermodels.” Fourth runner-up naman si Floriane Lajara mula San Pablo City, na isa sa tatlong “Print Supermodels.”
Naunang sinabi ni May Evelyn Maghirang sa isang panayam ng Inquirer na naghahanap sila ng isang “strong follow up” kay Rosales na maaaring makapagbigay sa Pilipinas ng ikalawang sunod na panalo sa Miss Supermodel Worldwide.
Nasungkit ni Rosales ang titulo noong 2022 sa patimpalak na itinanghal nitong Oktubre. Ngayong taon, bumalik ang Miss Supermodel Worldwide competition sa nakagawiang iskedyul tuwing Abril. Ngunit kahit tila napaikli ang pagrereyna ni Rosales, tatagal pa rin nang dalawang taon ang kontrata niya sa international organization.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.