April Boy biglang ‘nabuhay’ sa katauhan ng anak na si JC Regino, mahilig din sa pagsusuot ng sumbrero
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
April Boy Regino at JC Regino
IN FAIRNESS, katunog na katunog pala talaga ng boses ni JC Regino ang kanyang yumaong ama na si April Boy Regino.
Kaya naman halos lahat ay nagsasabing buhay na buhay ngayon sa tinig at istilo ng pagkanta ng bagong GMA Music artist ang OPM legend at tinaguriang Idol ng Masa.
Hindi itinatanggi ni JC na may pagkakahawig talaga ang timbre at style ng pag-awit nila ng kanyang pumanaw na tatay.
“Sa pag-awit po, iyon talaga ‘yung style po namin medyo may pagkakahawig. Siyempre po siya po ‘yung nagturo sa akin,” sabi ni JC nang humarap sa ilang miyembro ng showbiz press via zoom.
Tulad ng kanyang ama, nahihilig din si JC sa pagsusuot ng sumbrero na trademark na ni April Boy.
Kuwento ng binatang singer, naging inspirasyon niya ang kanyang ama para magpatuloy ngayon sa musika matapos ang pansamantalang pamamalagi sa Amerika para magtrabaho.
Nitong nagdaang January 24, opisyal na pumirma ng kontrata si JC bilang bagong artist ng GMA Music.
“Ako po talaga kapag naiisip ko ‘yung mga achievement ni daddy po sa music, sobra pong natutuwa po ako.
“Kaya nga po siya naging legend kasi po napakagaling niya po talaga. Sobrang proud po ako sa kanya, sa mga accomplishment niya po, mga ambag niya po bilang musician po.
“Para sa akin po mas masaya po ako sa mga nangyayari po sa kanya. Bakit din naman po ako nandito sa pagkanta kasi po na-inspire po ako dahil sa kanya.
“Siya po ‘yung nagsimula, siya po ‘yung nagturo sa akin, naging guro ko po siya sa pagkanta at pagsusulat po ng awitin,” ani JC.
Naghahanda na ngayon si JC para sa debut single niyang “Idolo” na alay niya sa mga loyal fans ng grupong April Boys (April Boy, Vingo, at Jimmy Regino).
Available na ang “Idolo” sa iba’t ibang digital music streaming platforms.
Samantala, sey ng binata, isinulat niya ang “Idolo” bilang pasasalamat sa lahat ng fans na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa kanyang ama kahit na nga matagal na itong pumanaw.
“Ang kantang ito ay para po sa mga tagahanga nina Dad at ng April Boys. Isa itong paraan upang magpasalamat sa pagsisilbi nilang inspirasyon.
“Kung wala po sila, wala po ‘yung April Boys at si April Boy Regino. Tapos kaya ‘Idolo’ ang title nito dahil ang mga tagahanga ay may iniidolo.
“Kaya salamat po sa kanila kasi tinangkilik nila ‘yung mga awitin. Para sa’min, ‘yung mga tagahanga po talaga ang tunay na idolo,” sabi pa ni JC.
Pagbabahagi pa niya, “Yung proseso po ng paggawa namin ng kanta ay mas mahirap po sa normal kasi ‘yung mga uncle ko po, sina Ninong Vingo at Tito Jimmy, ay nasa America po at tumigil na rin po sa pagkanta.
“Kinausap ko po sila na samahan ako sa paggawa ng kantang ito. Nag-record po sila sa America tapos dito na po inayos.
“Bago mawala si daddy, nagkaayos na po sila ng April Boys kaya dapat kasama talaga si Dad sa pagkanta ng awit pong ito.
“Sobrang nagpapasalamat po ako na pumayag sila na sumama sa pagkanta nito kasi mas makahulugan po kapag kaming tatlo po ‘yung kumanta,” kuwento ni JC.