Bakbakan para sa Miss Universe franchise sa Pilipinas tapos na; national pageant sa May 13 itatanghal

Bakbakan para sa Miss Universe franchise sa Pilipinas tapos na; national pageant sa May 13 itatanghal

Kasama ni Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee (pangalawa mula kanan) ang reyna ng 2021 na si Beatrice Luigi Gomez (pangalawa mula kaliwa) communications director Voltaire Tayag (kaliwa) at creative director Jonas Gaffud./ARMIN P. ADINA

MAKALIPAS ang nakaiinip na paghihintay mula nang manawagan si Miss Universe Organization (MUO) owner Anne Jakrajutatip sa lahat ng national license holders na magbigay ng kani-kanilang proposals sa pagpapayabong sa patimpalak, makahihinga na nang maluwag ang mga Pilipino sapagkat tapos na ang bidding war sa Pilipinas.

“We are thankful to the Miss Universe Inc. and Khun Anne for putting their trust in the Miss Universe Philippines Organization as the official franchise holder. Together, we will forge ahead in championing women and elevating the pageant industry,” pahayag ni Voltaire Tayag, communications director ng organisasyon.

Naunang sinabi ni Jakrajutatip, pinuno ng Bangkok-based conglomerate na JKN Global Group, na kailangang maghain ang lahat ng national franchise holders ng kani-kanialng plano kung paano dadalhin ang patimpalak sa hinaharap, isang hakbang na nagbukas ng pintuan para sa iba na masungkit ang mga national license para sa Miss Universe.

Makaraan ang panawagan, ilang dating franchise holders ang napalitan. Kabilang dito ang Puteri Indonesia na tatlong dekada na ang relasyon sa MUO. Kumalas na rin sa organisasyon ang mga dating may hawak ng lisensya para sa Ghana, Seychelles, Mauritius, at kamakailan lamang, sa Cambodia.

Bago pa nakuha ni Jakrajutatip ang pagmamay-ari sa buong MUO, nagkaroon na rin naman ng pagpapalit sa franchisees sa iba’t ibang bansa sa ialalim ng may-ari noong WME/IMG na binili ang organisasyon mula kay Donald Trump noong 2015.

Sa panahon ng IMG, tinapos ng MUO ang limang-dekada nitong relasyon sa Binibining Pilipinas Charities Inc. noong 2020, at iginawad ang prangkisa sa Miss Universe Philippines Organization. Itinalagang national director si Shamcey Supsup-Lee, dating Bb. Pilipinas at 2011 Miss Universe third runner-up. Ilan pa sa mga dating nagwagi at lumahok sa pandaigdigang patimpalak ang naging national director din ng kani-kanilang mga bansa noong panahong iyon.

“The MUPH Organization has produced world-class shows and uniquely beautiful queens since it started. We are inspired to continue our commitment to excellence. We look forward to a very eventful and fruitful partnership in the coming years,” sinabi pa ni Tayag sa kaniyang pahayag.

“Expect lots of excitement from the Miss Universe Philippines 2023 events, culminating in a spectacular finals on May 13,” pagpapatuloy niya. Itatanghal ang coronation show sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tatlumpu’t-siyam na kandidata ang magtatagisan para sa koronang taglay ni Celeste Cortesi, kabilang ang mga kapwa niya reyna noong 2022 na sina Miss Universe Philippines Tourism Michelle Marquez Dee at Miss Universe Philippines Charity Pauline Amelinckx.

Related Chika:
Pwede pang humabol sa Miss Universe PH pageant hanggang Valentine’s Day

Parokya Ni Edgar may update sa pinapa-auction na gitara, umabot na sa P730k ang highest bid

Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel proud sa pagiging Pinoy: Mabuhay Philippines! Maraming, maraming salamat sa lahat ng tulong n’yo!

Read more...