Bandera Editorial
“IT is not good for the AFP to be embroiled in a controversy like what happened here. This is (the) first time, and my concern is that this might set a dangerous precedence.”
Ito ang babala ng “napilitang” magretiro na si Armed Forces chief Delfin Bangit nang bumaba sa puwesto. Si Bangit ay hinirang na AFP chief ni Pangulong Arroyo. Ayaw sa kanya ni P-Noy. May magagawa ba si Bangit? Siyempre wala.
Hindi malinaw ang pagtatalaga sa AFP chief of staff. Yan ang hindi inasikaso ng mga politiko at mga dating militar at opisyal ng pulisya na naging politiko.
Nalibang ang mga politiko at dating mga opisyal ng militar na ngayon ay tanyag na mga politiko na sa sobrang politika. Sobra talaga ang politika at kailanman ay hindi naging sobra ang militar. Sa sobrang abala ng mga politiko, at pinaghandaan pa ang halalan, nakalimutan ang hukbo. Kaya ngayong naghahanap na ng dahilan kung paano mapananatili si Bangit na legal na hinirang ay nangapa na lang at nagkamot ng ulo ang dapat ay magsasalita para matukdukan ang kontrobersiya.
Isa pa sa mga nakalimutan ng mga politiko (ang iba’y sadyang kinalimutan dahil ang nakaligtaan, sa isang banda, ay maaaring idahilan kapag nadapa o nagkamali, dahil likas naman sa magagaling ang makalilimutin din) ay ang pagtatala ng termino sa hinirang na chief of staff.
May chief of staff na nagsilbi lamang ng tatlong buwan. Ano’ng ipagmamalaking nagawa ng chief of staff sa loob lamang ng tatlong buwan? Ayon sa ilang retiradong mga heneral, kailangang lagyan ng termino ang panunungkulan ng chief of staff. Kung maaari ay tatlong taon, para naman may pagkakataon itong patunayan na naiiba ang kanyang panahon kesa mga nakalipas na chief of staff.
Ang naganap kay Bangit, na maaaring maganap pa sa susunod na mga panahon, ay nagdudulot lamang ng sama ng loob at galit sa ilang opisyal ng militar at retiradong mga opisyal. Sa ganitong kalakaran, malayong tawagin ang isang opisyal na “professional soldier” dahil sa likod ng kanyang anino, kailangan niya ang tango ng makapangyarihang politiko para makamit ang minimithi.
Bandera, Philippine News, 062310