Bandera Editorial: NPA di masusugpo; Ideyolohiya ng Abu

Bandera Editorial

SINO ang nagsabing masusugpo rin ang komunistang New People’s Army kahit iilan na lang sila?
Ang bilin ni Pangulong Arroyo ay sugpuin ito bago pa man siya mamaalam sa Malacanang.  Ang bilin ay tila pangakong nasa alapaap, na noon pa man ay mahirap tupdin at kamtin.
Kaya naman, inamin ni Armed Forces chief Gen. Delfin Bangit na bigo siyang masugpo ang NPA.  Kahit sinong West Pointer o aral sa Fort Knox at Fort Bragg ay di masusugpo ang kalabang traydor.
Mahirap sugpuin ang armadong kalaban na kinakanlong ng taumbayan dahil sa takot na sila ang balingan kapag umalis na ang mga sundalo.  Mahirap sugpuin ang kalaban na kinakanlong ng mga politiko sa kanayunan.  Mahirap sugpuin ang kalabang ipinagtatanggol ng malalaking unibersidad.
Higit sa lahat, mahirap sugpuin ang komunistang NPA na may kakamping mga mamamahayag at patnugot; at mismong mga opisyal ng gobyerno.

* * *

Ideyolohiya ng Abu

PARA kay Brig. Gen. Francisco Cruz, hepe ng Civil Relations Services ng Armed Forces, ideyolohiya lamang ang makasusugpo sa bandidong Abu Sayyaf (puwede rin nating tawaging teroristang Abu Sayyaf kung yan ang nais ninyo, base sa kanilang pamumugot sa mga bihag).
Hindi bala sa bala, tropa sa tropa ang makasusugpo sa Abu Sayyaf, ayon sa pag-aaral (o pananaw) ni Cruz.
“(The) war on terror is a war of ideas and, therefore, the strategy to defeat Abu Sayyaf and radical Islam requires an ideological counterforce that would compete with the enemy’s ideology,” paninindigan ni Cruz.
Yan ang hirap sa teyorya.  Lihis at malayo sa katotohanan.
Ang hindi isinama sa pag-aaral ni Cruz ay ang pera. Isang bunton ng pera lang ang kailangan ng Abu Sayyaf.  Milyones na piso at dolyar lang ang kanilang hinihingi sa tuwing may bibihagin.  Sa mga kinidnap sa Sipadan, Malaysia at sa Palawan, pera-pera, at hindi ideyolohiya ang kailangan ng mga bandido.
Kaya nga nang umiwas na ang mga dayuhan sa Mindanao, kahit principal ng paaralan ay pinagtitiyagaan na rin.  Basta may perang makukuha.
Di ba, Ces Drilon?

Bandera, Philippine News, 062210

Read more...