“MAAARING sa inyo, nakakapalakpak, pero kaming mga Muslim, hindi kami papalakpak!”
Yan ang mariing sinabi ni Sen. Robin Padilla sa naganap na hearing ng Committee on Public Information and Mass Media hinggil sa isyu ng pag-pull out sa mga sinehan sa Hollywood movie na “Plane” na pinagbibidahan ni Gerard Butler.
Matapos manawagan sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ang senador na ipatigil na ang pagpapalabas ng naturang Hollywood movie ay na-pull out na nga ito sa mga sinehan.
Kasunod naman nito ang naganap na matensyong hearing ng Committee on Public Information and Mass Media noong Huwebes, February 23, na pinangunahan ni Sen. Robin.
Isa sa mga naunang pinag-usapan ay ang pagpapalawig sa mandato ng MTRCB kaya present doon ang Chairperson nitong si Lala Sotto-Antonio with her legal team at ilang miyembro ng Board of Directors.
Kabilang na riyan ang usapin kung isasama na rin ba sa mandato ng MTRCB ang pagre-review sa online streaming platforms at on-demand streaming services.
Naroon din sa hearing sina Mark Meily, Erik Matti at Carlitos Siguion-Reyna na mula naman da Directors Guild of the Philippines, Inc. (DGPI); Imelda Papin ng Actors Guild; Laurenti Dyogi ng ABS-CBN; legal team ng GMA Network; at Vincent del Rosario ng Viva Entertainment.
Present din sina Sen. Grace Poe, Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada via zoom.
Sa isang bahagi nga ng hearing ay pinag-usapan ang pagpapa-ban sa pelikulang “Plane” na nakakasira raw sa imahe ng Pilipinas, lalo na sa mga kababayan nating Muslim.
Tinawagan pa sa telepono ang governor ng Jolo, Sulu na si Abdusakur Tan para ihayag ang kanyang saloobin tungkol sa paggamit sa Jolo, Sulu sa pelikula ni Gerard Butler.
“Sana huwag naman nilang gawin yan, dahil napakaganda ng ating lalawigan. Ang daming mga tourists na pumupunta.
“Hindi naman namin pinapansin yan, dahil hindi naman namin pinapanood yan. Ang pinapanood namin dito ang drama, ang ating programa,” ang sabi ni Governor Tan kasunod ang pagpapasalamat kay Robin dahil sa malasakit nito sa mga kapatid na Muslim.
Nagsalita rin si Sen. Grace hinggil sa isyu, “Maganda yung sinabi niya na suportahan natin ang pelikulang Pilipino at sinabi rin niya tungkol sa pelikulang Plane, ito ay fictional movie, no?
“Kung matatandaan ninyo siguro, si FPJ (Fernando Poe, Jr.) ang nakagawa ng maraming mga pelikulang naglalarawan ng kagandahan at kagalingan ng ating mga kapatid sa Mindanao.
“Nandiyan yung Muslim .357, nandiyan yung Perlas ng Silangan, nandiyan ang Zamboanga, dahil bilib nga siya diyan. Kaya pag may mga sinasabi na ganyan, na ganito tungkol sa Mindanao, e, meron naman tayong pantapat diyan.
“At katulad nga ng sinabi mo, si 300 na aktor (Gerard Butler) dito sa pelikulang Plane. Meron din siyang ginawang pelikulang sa London na parang ganun din na pelikula, na akala mo nga inutil din ang mga security forces diyan sa U.K., no?
“So, you know, that is not necessarily true, that is fiction. So, may pantapat din na pelikula that will dispel those claims of other movies,” sey ng sebadora na ang tinutukoy ay ang isa panhlg pelikula ni Gerard Butler na “London Has Fallen” (2016).
Maya-maya naman ay nagsalita uli si Sen. Robin at sinita ang pagpalakpak ni DGPI President Mark Meily sa mga sinabi nina Governor Tan at Sen. Grace.
“Maaaring sa inyo, nakakapalakpak. Pero kaming mga Muslim, hindi kami magpapalakpak. Fiction sa inyo yan, pero tumatama sa amin yun.
“Jolo is not fiction. Philippines is not fiction. Lugar namin yun. Maaaring sa inyo, okay. Pero sa amin, mananatili ang posisyon namin, nasaktan kami rito.
“The Muslims will never accept that this movie is fiction. Maybe for you, but for us, no. Because, terrorism is never a part of our religion,” ang sabi ni Robin.
Hirit pa niya, “Pumapalakpak ka, bawal dito. Kanina pa ako kumakalma sa inyo. Hindi ko gustong pumapalakpak ka, e. This is my hearing!”
Sagot naman ni Direk Mark, “Humihingi ako ng paumanhin. Senator, I agree with you. Nirerespeto ko yung nararamdaman mo.
“I’m active also helping with the BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) authority through our government services. Nag-agree kami.
“Ang position lang namin is about banning of films in general. So, nirerespeto namin yung nararamdaman mo. And I agree with that na ano…masakit yun.
“Ako, yung ginagawa ng China ngayon sa Pilipinas, apektado rin ako. So, it’s not ano… alam namin na masakit,” anang direktor.
Naglabas ng official statement ang Directors’ Guild of the Philippines, Inc. kung saan kinontra nila ang pagpapa-ban ng “Plane” sa Pilipinas.
Pagpapatuloy ni Sen. Robin, “Ang sinasabi ko dito, Direk, huwag tayong masyadong ano, kasi nasasaktan na kami, e. Mga Muslim, pagdating sa amin, okay sa inyong lahat, e.
Sagot sa kanya ni Direk Mark, “Sir, inuulit ko po, hindi po kami nagdi-disagree sa nararamdaman niyo. In fact, personally ako… tama kayo du’n sa sinabi niyo. Nag-agree ako.”
Sagot uli ni Robin, “Nag-react kayo, e, dahil sa nag-react kaming mga Muslim. Iyon kasi yung position namin. That is the heart of the sultanate of Sulu. Maraming salamat po, discussion lang to.”
Pagkatapos ng mainitang balitaktakan ay nagsabi si Sen. Robin na hindi sila magkakagalit, “Ako po ay nagpapasalamat sa ating mga bisita. Pasensiya na po kung merong hindi nagkakaintindihan. Hindi naman po ibig sabihin nun ay tayo po ay maghihiwalay na magkakagalit dito.
“Katulad nga po ng sinabi ni Direk, freedom of expression. Na-exercise lang po natin ang ating kalayaan na magsalita, at ipahiwatig yung ating nasa isip at damdamin.
“Pero hindi po ibig sabihin nun, ang mga tagapelikula ay pag-alis po dito ay magkagalit na. Hindi po. Kami po ay natuto sa bawat isa at nirespeto po natin yung creative point of view ng bawat isa.
“At nagpapasalamat po tayo, at sana po ay huwag po kayong madala, Direk. At yun pong sinabi mo kanina ay maganda po yun,” paglilinaw pa ng actor-politician.
Joey, Alma naiyak nang malamang pregnant si Winwyn: Buntis ka? Kailan pa ‘yan? Ilang buwan?
Tarpaulin ni Aiko sa Q.C. pinagbabaklas; nakiusap kay Alfred Vargas