TOKYO, Japan–Limang reyna ang kinoronahan muka sa hanay ng 12 kandidata sa unang pagtatanghal ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant sa Minami-Azabu sa Tokyo, Japan, noong Peb. 19, at lahat sila lalaban sa mga pandaigdigang patimpalak.
Nasungkit ni Marivel Canillo Kawajiri mula Kagoshima ang pangunahing titulong Mrs. Tourism AmbassadorI nternational Japan. Itinanghal din siyang Best in Filipiniana, Mrs. Humanity, at Myk’z Coffee Ambassador.
Nanguna rin siya sa talent competition sa pagtatanghal ng isang Muslim dance. Nagmula sa Davao City si Kawajiri, at lumipat sa Japan mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.
Iginawad naman ang korona bilang Mrs. Universe (Official) Japan kay Natasha Camille Tagle mula Kanagawa, na itinanghal ding Mrs. Photogenic, Best in Casual Wear, Best in Swimwear, at Best in Evening Gown.
Kinoronahan namang Mrs. Tourism Ambassador International Philippines-Japan si Wannie Manina Ono mula Tokyo. Hinirang din siya bilang Mrs. MVT Ambassador, M&G Creative Design Ambassador, at Mrs. Charity Queen.
Napunta naman kay Stephany Setenta ng Saitama ang titulong Mrs. Universe (Official) Philippines-Japan. Siya rin ang Mrs. Congeniality at Best in Catwalk.
Mrs. Face of Tourism Japan ang huling titulo, at nasungkit ito ni Mariluna Yoshida mula Tokyo. Isa rin siya sa tatlong itinanghal bilang MVT Queen Ambassadors.
Babandera sina Kawajiri at Ono sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe pageant sa Malaysia sa Hunyo. Sa Pilipinas naman makikipagtagisan ang tatlong iba pang reyna.
Sasabak sina Tagle at Setenta sa ikalawang edisyon ng Mrs. Universe (Official) pageant, na itatanghal sa Pilipinas ng Australia-based organization sa Oktubre. Iba pa ito sa isa pang patimpalak na may katulad na pangalan, ang Bulgaria-based na Mrs. Universe pageant na sa Maynila rin gagawin ang edisyon para sa 2023.
Tutulak din sa Pilipinas si Yoshida para sa unang edisyon ng Mrs. Face of Tourism Universe pageant ngayong taon.
Binuo ang pambansang patimpalak sa Japan ng Pilipinang beauty queen na si 2020 Mrs. Tourism Ambassador International Myla Villagonzalo Tsutaichi.
Sa kaniyang talumpati, sinabi niyang inilunsad niya ang patimpalak upang ibahagi ang kaniyang mga naging karanasan sa pandaigdigang entablado, at makatuklas ng kababaihang maaaring maging international titleholder na tulad niya.
“My dream is for this pageant to be a vehicle for women empowerment. And its tagline ‘beauty with a mission, dream with action’ will serve as our battlecry to become exemplary women of service to society, not only here in Japan, but in the international community as well,” aniya.