ITITIGIL na ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap ang pagsagot at pagpatol kay Cherry Pie Picache.
Ito’y matapos ngang magbitaw ng matapang at maanghang na pahayag si Cherry Pie laban sa filmmaker sa naganap na presscon ng pelikula niyang “Oras de Peligro”.
Maglalaban sa takilya ang “Oras de Peligro” na idinirek ni Joel Lamangan at ang part 2 ng “Maid In Malacañang” ni Darryl na “Martyr Or Murderer” mula sa Viva Films.
Diretsahang tinanong ni Cherry Pie si Darryl kung may kunsensiya pa ito dahil sa mga ginagawa niyang pelikula tungkol sa pamilya Marcos kasabay ng pagsasabing hindi siya magpapadirek sa filmmaker.
Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Darryl na ito na ang huling magsasalita siya about Cherry Pie at sa mga patutsada nito laban sa kanya at sa mga ginagawa niyang pelikula.
“Bagamat ako po ay nagrereak lang,
sa palagay ko ay malinaw ko nang naihatid ang gusto kong sabihin sa lahat ng press, kaibigan at kakilalang nagtatanong kung ano ang masasabi ko sa patutsada ni Ms. Cherry Pie sa akin,” simulang pahayag ni Darryl.
Aniya pa, “Pinanood ko rin nang buo ang presscon nila na muntik ko nang isipin na ang title ay Oras de Darryl o Darryl De Peligro, dahil halos ako ang topic.
“Akala ko may nagtrigger lang sa kanya—pero wala; gusto nya talagang sabihin ang nasabi niya, pero ok lang—ganoon din naman ako tuwing sumasagot, ang kaibahan lang, never ako umatake,” sey pa ni Direk.
“Ito na siguro ang huli kong pahayag patungkol sa issue, para maiwasan ko ring mas makabastos o makatulong sa tao at sa pelikula, after all—kahit wala sa filmography niya, nalaman kong sa VIVA pala nagsimula ang mahusay na aktres, at dahil dyan—ok na yun,” mensahe pa ni Darryl sabay bati ng “Happy Valentine’s Day sa ating lahat.”
Nauna nga rito, ipinost ng direktor sa kanyang FB ang balitang lumabas dito sa BANDERA tungkol sa naging pahayag ni Cherry Pie about him na may titulong “Aking Reaksyon tungkol sa Pahayag
ni Ms. Cherry Pie Picache.”
Aniya, “Tinatanong po ni Miss Cherry Pie Picache kung may konsensya pa raw ba ko dahil sa mga Marcos films na ginagawa ko.
“Sasagutin ko po ang tanong nya, ng dalawang tanong.
“1. Alin kaya sa eksena sa #MAIDinMALACAÑANG at #MARTYRorMURDERER ang hindi totoo, napanood na ba nya ang #MIM, kasi ang #MOM ineedit ko pa. Ano sa loob ng mga gawa ko ang kasinungalingan?
“2. Napakahusay umarte ni Miss Cherry Pie, pero ngayon lang ako parang naOAyan sa kanya (actually pangalawa na pala ito, una nung umiyak sya sa kampanya ni Leni at para siyang CEO na isang pyramiding company na sumisigaw ng MANGHIKAYAT KAYO!)
“Ito, seryosong tanong Miss. Napanood ko kasi kung paano mo pinatawad ang pumatay sa Nanay mo, ang pagsabi mo ng magagandang bagay patungkol sa pangtanggap at pagbibigay katwiran sa mismong kriminal na pumatay sa Nanay mo— naisip ko, YUNG PUMATAY SA NANAY MO, NAYAKAP MO. Sigurado kang may kabutihan sa kanya?
“Ako, na gumagawa lamang ng pelikula (na dahilan kung bakit kayo may pelikula) AKO ANG TINATANONG MO KUNG MAY KONSENSYA?
“At wag po kayong mag-alala; wala naman po akong deklarasyon na gusto ko kayong makatrabaho. #KAMOTEpie. MARAMING SALAMAT,” sabi pa ni Direk Darryl.
Related Chika:
Cherry Pie Picache payag gumanap na Imelda Marcos pero hindi magpapadirek kay Darryl Yap: ‘May kunsensiya pa ba siya?’