Request ng fans nina Barbie at David na i-extend ang ‘MCAI’ aprub sa GMA; ‘Kundiman’ ni Julie Anne pak na pak
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Barbie Forteza, David Licauco at Julie Anne San Jose
CONFIRMED! Extended pa ng isang linggo ang award-winning historical portal fantasy series ng GMA 7 na “Maria Clara at Ibarra.”
Lalo tuloy nasabik ang Kapuso viewers sa mga pasabog at matitinding eksena sa mga susunod na episode ng serye. Marami rin ang naghihintay sa nakakaantig at kilig moments nina Klay at Fidel na ginagampanan nina Barbie Forteza at David Licauco.
Nag-uumapaw ang tuwa ng netizens sa magandang balita na ito. Say nga ng isang solid fan, “So happy! Napatili ako nu’ng nalaman kong extended. ‘Yung anak ko naman nalulungkot nu’ng sinabi kong matatapos na yung palabas. Favorite na favorite niya ito.”
May kanya-kanya na ring haka-haka ang fans sa mangyayari sa huling linggo ng “MCAI”. “‘Yung one week po na ‘yun about na sa FiLay kasi ‘yun ‘yung request ng FiLay fans (tulad ko). Dininig lang nila kami,” komento ng isang fan.
Magkakatotoo kaya ang hiling ng manonoid at ano ang kapalarang naghihintay sa mga natitirang karakter sa mundo ng El Filibusterismo?
Samantala, umani naman ng papuri si Julie Anne San Jose sa kanyang pagkanta ng kundimang “Awit ni Maria Clara” sa “All-Out Sundays” noong Linggo.
Unang napanood ang makabagbag-damdaming pag-awit niya nito sa isang episode ng “Maria Clara at Ibarra” noong Nobyembre, 2022.
Marami ang humanga sa galing ni Julie. Komento ng isang netizen, “Mahusay si Julie Anne San Jose mag-Kundiman. Patunay ‘yan na mainstream artists can also sing and dance regional OPM songs para mapromote din yung mga kanta mula sa iba’t ibang probinsya.”
Hirit naman ng isang netizen, “Ang sarap pakinggan ng awit ni Julie. Ang gaan sa tenga. Ito ang dapat mong pakinggan kung pagod ka na sa kaliwa’t kanang biritan. Kaya heto at paulit-ulit kong pinapakingggan ang video.”
Kahit wala na ang karakter ni Julie Anne bilang Maria Clara sa serye, tiyak na tumatak sa viewers ang kanyang kahanga-hangang pagganap sa iconic character.