Balak na raw sana niyang pumasok sa seminaryo noong teenager pa lamang siya pero bigla ngang nagbukas ang ilang oportunidad sa mundo ng showbiz.
Nakasama si Mike sa “StarStruck Season 2” na umere sa GMA noong 2004, 17 years old pa lamang daw siya noon at wala naman talaga sa mga plano niya ang maging artista.
“Sa totoo lang, hindi talaga (balak mag-showbiz). Ang gusto ko talaga noon ay magseminaryo para magpari,” rebelasyon ng Kapuso star.
Aniya, sinubukan din daw niyang mag-model noong kabataab niya dahil maraming kumukuha sa kanyang rumampa sa mga fashion events hanggang sa sinubukan nga niyang mag-audition sa “StarStruck.”
“Nagra-ramp model na kasi ako. Siyempre, sobrang sikat noong batch one, nandiyan si Rainier (Castillo), si Mark (Herras). Tapos, na-realize ko na parang, ‘Subukan ko rin kaya?’
“Tapos, pumila kami roon sa GMA. Ako yung nagpaalam sa nanay ko na pumunta sa GMA para mag-audition,” kuwento ni Mike.
Sey ng aktor, nang makapasa siya sa audition at mapasama nga sa second batch ng original reality talent search ng “StarStruck” ay nagdesisyon siyang karirin na ang pagso-showbiz.
“Kapag sumali ka na kasi gusto mo na talaga. Ang goal mo na talaga, ang end goal mo na talaga maging artista na. Pero nandun talaga ako para sa prize money, one million, e,” ani Mike na siya ngang nagwaging Ultimate Male Survivor sa “StarStruck Season 2.”
Sa tanong kung anong nangyari sa pangarap niyang maging pari, “Ang sabi naman sa akin noong pari before, mag-aral na muna ako ng college sa labas para malaman ko kung talagang calling ko ang pagpapari. Ayun, nandito na ako.”
Mula noon ay napasama na si Mike sa mga pambatong leading man ng GMA 7 at nabigyan ng mga teleserye. Very soon ay mapapanood uli siya sa upcoming Kapuso series na “The Seed of Love” opposite Glaiza de Castro.