KINORONAHAN bilang Mrs. Universe si Elena Maximova, mula sa republikang Ruso ng Udmurtia, sa pagtatanghal ng patimpalak sa National Palace of Culture (NDK) sa Sofia, Bulgaria, noong Peb. 4 (Peb. 5 sa Maynila).
Dalawang kandidata naman mula sa Mrs. Universe Philippines Foundation ang nakapasok sa Top 25 sa hanay ng 120 kalahok—ang bumberong si Veronica Yu, at single mother na si Gines Angeles.
Naunang itinakda ang pagtatanghal ng 2022 Mrs. Universe pageant nitong Disyembre sa Seoul, South Korea, ngunit dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay napilitan ang organizers na ibalik ang patimpalak sa tahanang bansa nito. Nagtapos naman sa ikalimang puwesto ang kandidata ng Korea na si Seo Yeon Choi sa pagtatapos ng contest sa Sofia.
First runner-up ni Maximova si Hoang Thi Thanh mula Vietnam, habang second runner-up si Esther Suppa mula Venezuela.
Tatlo pang kandidata ang inilaban ni Mrs. Universe Philippines National Director Charo Laude—sina Navy Lieutenant Commander Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling, architect na si Jeanie Jarina, at dentistang si Virginia Evangelista.
Lahat ng mga kandidata ginawaran ng mga espesyal na titulo sa isang preliminary event noong Peb. 3 (Peb. 4 sa Maynila). Hinirang si Yu bilang Mrs. Elegance, habang Mrs. Glamorous naman si Angeles. Itinanghal si Sumbeling bilang Mrs. Fabulous, habang Mrs. Aesthetic si Jarina. Mrs. Silver Heart naman si Evangelista.
Ibinahagi nina Yu at Sumbeling sa Inquirer bago tumulak pa-Bulgaria na hangad ng Mrs. Universe pageant na malapagmulat kaugnay ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga anak nila, at nagsusulong ng mga hakbang upang mahinto ito.
Nauna nang hinayag ni Laude na iginawad sa kanya ng Mrs. Universe Ltd. ang hosting rights para sa pagtatanghal ng pandaigdigang patimpalak ngayong 2023. Sinabi niyang sasalubungin ng Pilipinas ang mahigit 100 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa Oktubre para sa 2023 Mrs. Universe pageant.
Iba pa ito sa isang patimpalak na may katulad na titulo. Nasa Bulgaria ang international organization na kausap ni Laude, at nagtatanghal na ng patimpalak nang walang mintis mula 2007. Ngunit sinasabi ng pangkat sa Sofia na 45 taong gulang na ang Mrs. Universe pageant.
Isang Pilipina sa Australia naman, si Maryrose Salubre, ang bumuo sa isa pang patimpalak, ang Mrs. Universe (Official). Itinanghal ang una nitong patimpalak nitong Disyembre lang. Naiulat pang sa Pilipinas din ito magtatanghal ng patimpalak para sa 2023, sa Oktubre rin.