LUBOS ang pasasalamat ng bokalista ng “Parokya ni Edgar” na si Chito Miranda sa OPM band na “Eraserheads.”
Ipapasubasta kasi ng Eheads ang isang gitara na pirmado nilang lahat at ang makakalap na pera ay ibibigay para sa pagpapagamot ni Gab Chee Kee, ang gitarista ng Parokya.
Kung maaalala, huling ibinalita ni Chito na nasa Intensive Care Unit (ICU) si Gab dahil sa komplikasyon ng kanyang sakit na “lymphoma,” isang kanser ng lymphatic system.
Nanawagan din noon ang bokalista ng pinansyal na tulong dahil hindi na kinakaya ng pamilya ni Gab ang mga gastusin sa ospital.
Sa latest social media post ni Chito nitong February 3 ay ibinandera nga niya ang ilang banda na tumutulong sa kanila.
Isa na riyan ang Pinoy rock band na Typecast na nakapagbigay ng P50,000 matapos ipasubasta ang isang gitara.
Nabanggit din niya na kasalukuyan ding nagsasagawa ng “auction” ang bandang Eheads.
Caption ni Chito sa Facebook post, “A few days ago, Typecast auctioned a D&D acoustic guitar signed by the band, for 50k (salamat sa highest bidder), para kay Gab [red heart emoji]. Ngayon, Eheads naman.”
Kwento pa niya, “Malamang alam naman ninyo na sobrang fans kami ng Eheads… lalo na kami ni Gab (si Gab ang unang nagparinig sa akin ng Eheads nung 3rd year high school kami…at nasira na ang ulo ko sa kanila ever since!”
Chika niya, “Sila talaga ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit binuo namin ang Parokya.
“Sa kanila din kami unang nag-front act nung nagsisimula pa lang kami, at naging inspiration namin sila sa lahat ng ginawa at ginagawa namin bilang banda.”
“Ngayon, nagbigay na naman sila ng panibagong dahilan kung bakit sila ang ultimate idol namin [red heart emoji],” aniya.
Sampung araw ang itatagal ng bidding at magsisimula na ‘yan ngayong February 4.
Related chika:
Netizens excited na sa Eheads reunion matapos ibandera ni VP Leni ang pagtakbo sa 2022