Wish ng pamilya ni Mars Ravelo, sina Daniel at Kathryn sana ang mapili sa pagbabalik ni Captain Barbell
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Kathryn Bernardo at Daniel Padilla
SA GINANAP na “Darna” finale mediacon ay nakausap ang ikalawang anak ni Ginoong Mars Ravelo na si Ginang Roberta Ravelo na labis ang pasasalamat sa magandang pagkagawa ng ABS-CBN series ni Jane de Leon.
Base sa panayam sa YouTube channel na Byxbuzz ay labis-labis ang papuri ng anak ni Mars Ravelo sa buong production.
“Malaking tulong ang ABS (CBN), maganda ang pagkakagawa compared sa others, so far the best at number one talaga ‘yung Darna,” say ni Gng. Roberta.
Sa tanong kung hindi ba nanghinayang ang pamilya Ravelo na hindi ginawang pelikula ang “Darna” tulad ng naunang plano.
“Okay lang kasi ang pelikula parang mahina ngayon, di ba? Usually puro TV na ngayon ang mga tao,” katwiran ng anak.
After “Darna” ay ang “Captain Barbell” o “Lastikman” ang gusto sanang buhayin muli ng Kapamilya network ng anak ng namayapang Mars Ravelo.
“Pero sabi nila (management) it’s either Dyesebel or Captain Barbell. Kaya lang ang Dyesebel limited lang ang story no’n, eh, sa ilalim lang ng tubig,” natawang sabi ng ginang.
At sino naman ang gaganap na Captain Barbell? “Gusto ko sanang lumabas ay si Daniel Padilla at si Kathryn Bernardo, di ba, magandang loveteam ‘yun? Ngayon ikakasal sila, di ba?” kinilig na sabi ng ginang.
Sabi pa ulit, “Maganda ang maitutulong nila sa Captain Barbell.”
In fairness mukhang updated ang anak ni Mars Ravelo sa KathNiel.
Sino naman ang gusto nilang gumanap na Dyesebel? “Wala pa akong naiisip, eh. Pero sabi (ng asawa niya) si Janella (Salvador) sana kasi mahaba ang katawan niya at binti.”
Hmmm, mukhang hindi pa aware ang pamilya Ravelo na si Andrea Brillantes na ang napipisil na gaganap na Dyesebel base sa mga naglabasan sa social media last year at ang boyfriend niyang si Ricci Rivero ang leading man na sa pagkakaalam namin ay sa 2024 pa mangyayari.
Ang babagay namang Lastikman ay si, “Wala pa akong (naisip), sino ba ang komedyante? Ha-hahaha!”
Samantala, may plano palang magtayo ng Ravelo Museum para mas lalong makilala ng publiko ang mga likha ni Mars Ravelo.
“Meron sana sa Tagaytay kaso hindi matuluy-tuloy ewan ko ba kung bakit,” say ng anak ni Mr. Ravelo.
Say naman ng asawa ni Gng. Roberta, “May problema sa permit kasi ‘yung nakuha nilang lupa (pagtatayuan ng building) agricultural hindi puwedeng i-convert kaya hindi pa naayos.”
Napag-usapan din ang plano ng ABS-CBN na pagsama-samahin ang tatlong superheroes na sina Darna, Captain Barbell at Lastikman sa pagtatapos ng series ni Jane de Leon.
“Yun ang plano ng ABS, eh,” sabi pa ng ginang.
Hirit naman ng asawa, “Akala ko nga gagawin iyon sa huli, eh (episodes ni Darna) dahil nga sobrang dami ng kalaban na Extra. Sabi ko sobrang dami ng kalaban baka sumuporta ‘yung iba (super heroes).”
Binanggit din ni Ginang Roberta na nakuha rin ng ABS-CBN ang rights ng Comic book 13 characters na sinulat ni Mars Ravelo tulad ng “Varga” at “Wanted: Perfect Mother.”
Ang ibang comic book characters na likha pa ni Mars Ravelo ay ang Bondying, Buhay Pilipino, Dragonna, Flash Bomba, Hiwaga, Jack and Jill, Kapitan Boom, Mariposa, Maruja, Rita, Roberta at Tiny Tony.