Jane nasuntok sa mukha, napako sa tuhod habang nasa shooting ng ‘Darna’: Dugo siya nang dugo, sobrang sakit!
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Jane de Leon
BAGAMA’T naglabas na ng official statement ang JRB Creative Production tungkol sa napurnadang guesting ni Regine Velasquez sa pagtatapos ng “Darna” ay muli naming itinanong ito sa finale presscon ng serye kahapon, January 30.
Nakasaad sa statement na ipinadala sa amin ng Corporate Communication ng ABS-CBN na hindi nagtagpo ang schedule nina Regine at Jane de Leon.
Paglilinaw ni Jane na gumaganap na Darna sa serye, “Actually, for me, it was not an issue naman to begin with.
“Sadyang hindi lang talaga nagtugma ang schedule namin ni Ate Regs. I think it’s very normal naman sa mga artists.
“And ginagawa niya ‘yung rehearsal niya for her upcoming concert and that time din kasi, I had my endorsement shoots and shows. We try to adjust the schedules, sadyang hindi na talaga kami pinayagan,” lahad ng dalaga.
Nag-promote pa si Jane para sa nalalapit na concert ni Regine, “Guys, please don’t forget to support ate Regs sa upcoming concert niya on February 17, 18, 24 and 25, solo oncert ni ate Reg, thank you.”
Natanong din namin kung anong experiences ni Jane na hindi niya malilimutan while doing “Mars Ravelo’s Darna.”
Nabanggit ni Jane na 2019 pa siya lumilipad na ibig sabihin ay apat na taon ng in the works ang Darna at nahinto dahil sa COVID-19 lockdown.
Oo nga, dati kasi ay pelikula ito na ang magdidirek ay si Erik Matti hanggang sa naging series na lang dahil sobrang laki ang magagastos kung itinuloy ito bilang pelikula.
“Ang hindi ko makakalimutan was marami po, too many to mention. Una sa lahat ‘yung mga taong naging parte sa buhay ko ngayon mga direktor, staff, mga co-artists ko at ‘yung friendship,” sabi ng aktres.
Saka ini-reveal ni Jane na pumasok siyang makinis ang balat niya sa taping ng “Darna” at lalabas na puro pasa at maraming sugat.
“Hindi ko rin makakalimutan na puro galos ko sa katawan. Sabi ko nga pumasok ako sa Darna na makinis ang katawan lumabas ako na puro bugbog ang katawan. And learnings from my kuya, ate, mga direktor,” aniya pa.
Anong eksena ang pinakanasaktan si Jane as Darna, “Sa stunts po ang dami po, na-ER (emergency room) na po ako, may eksena ako with Josh (Joshua Garcia) na pagluhod ko hindi ko alam na may pakong nakaangat tapos tumagos sa tuhod ko, dugo nang dugo sobrang sakit and sa may buto na bata.
“Buti nandoon si Sir Jeff (ng Emergency Medical Technicians) pinilit kong huwag umiyak pero ang sakit talaga kaya tinakbo ako ng ER for anti-tetanus (injection), tapos nasuntok din ako ng double ni Borgo (role ni Richard Quan).
“Grabe yung iyak ko do’n sabi ko first time akong nasuntok sa buong buhay ko at namaga ‘yung mukha ko nu’ng time na ‘yun, natapilok din ako at two days kaming pack-up, marami pa, super dami, meron pa sa daliri,” pagbabahagi pa ni Jane.
Kaya ang payo ni Jane sa mga artistang may mga action scenes ay paghandaan talaga dahil hindi maiiwasang walang aksidente at dapat alam nito kug ano ‘yung pinapasok niya.
Na-reveal din kung ilang costume ang palaging nasa set ng Darna para kay Jane lalo na kapag may fight scenes siya at naaksidente dahil tiyak na nasisira ang mga ito.
“We have 16 costumes, very hard especially kasi kapag pag beauty shots, meron ding pang harness. Ang madugo talaga kapag harness. Kasi iba’t ibang harness ang meron kami kasi do’n talaga kami tumagal,” kuwento ng aktres.
Umaabot naman sa isang oras kapag isinusuot niya ang Darna costume kasama na ang make-up. At inaming nahirapan siya nu’ng una na isuot ang costume dahil ni minsan ay hindi pa niya nasubukang mag-two piece.
“Grabe po talaga ‘yung nilunok ko para makapag-two piece,” natawang sabi ni Jane.
Kuwento pa ni Jane, pinapayuhan siya ni Janella na magsuot na ng two-piece.
Anyway, bukod kina Janella at Jane, humarap din sa finale mediacon ng “Darna” sina Zaijian Jaranilla, LA Santos, Mutya Orquia, Richard Quan, at ang nga direktor nitong sina Avel Sunpongco, Benedict Mique at Darnel Joy Villaflor.
Ang pagiging abala ni Joshua Garcia na leading man ni Jane sa serye ang dahilan kaya hindi siya nakapunta sa finale presscon.