Sa mga tito at tita diyan, feeling niyo ba hindi na kayo makasabay sa mga kabataan dahil sa mga kakaibang salita na kanilang ginagamit?
Aba, kung road to “Gen Z” ang gusto niyo, inipon ng BANDERA ang ilang bagong “slang words” o tinatawag na “Gen Z lingo” na madalas gamitin sa panahong ito.
SLAY
Ang ibig sabihin nito ay “good job” at madalas ay pampalakas ng loob.
Halimbawa sa isang convo –
Friend A: “Maganda ba ang bago kong hairstyle?”
Friend B: “Yas, slay!”
FORDA FERSON
Pinakabagong internet slang na nag-umpisa sa isang viral TikTok video na ang literal na ibig sabihin ay “for the person.” Pero ito ay kadalasan nang ginagamit sa iba’t ibang konteksto at sitwasyon, na nagpapahiwatig ng isang layunin.
Halimbawa:
“Forda gastos na naman ang ferson ngayong taon.”
VIBE CHECK
Madalas gamitin kapag tinutukoy nito ay ang pagsusuri sa ugali ng isang tao.
Halimbawa: “Nakilala ko na ang bago niyang boyfriend. Pasado siya sa vibe check.”
SALTY
Tumutukoy sa mga pakiramdam ng inis, galit, pagkabalisa o pagiging bitter.
Halimbawa:
“Ang salty niya ngayon kasi natalo siya sa pustahan.”
NAUR
Isang Pinoy slang na inspired sa Australian word na “naur” na ang ibig sabihin ay “no” o hindi pwede.
Halimbawa sa isang convo – Friend A: “Mahal mo pa ba siya?” Friend B: “Naur!”
STAN
Ibig sabihin nito ay pagsuporta sa isang tao. Kombinasyon din ito ng salitang “stalker” at “fan.” Ginagamit ito hindi lang sa mga artista, kundi pati na rin sa mga kaibigan o kasamahan.
Halimbawa:
“Alam ng lahat na ang inii-stan kong magkatuluyan ay sina Luisa at Vicente.”
SUS
Pinaiksing salita ng “suspicious” o kahina-hinala sa Tagalog.
Halimbawa:
“Pakiramdam ko, sus talaga ‘yang boyfriend mo kasi laging may tumatawag sa cellphone niya.”
YEET
Karaniwang ginagamit kapag masyadong nae-excite o kaya naman ay may hinahagis ng napakalakas. Pwedeng katumbas ng “Yehey!”
Halimbawa:
“Nanalo ako sa lotto! Yeet!”
SIMP
Pagkakaroon ng “crush” o pagiging obsessed sa isang tao.
Halimbawa:
“Alam mo ba, simp ni Elenor ‘yang si Ryan porket varsity ng basketball.”
SLAPS
Isang papuri sa anumang “cool” o kamangha-manghang bagay, ngunit madalas na ginagamit sa isang kanta.
Halimbawa:
“Slaps ‘yung bagong kanta ni Taylor Swift. Napakinggan mo na ba?”
KORIQUE
Ang kahulugan lamang nito ay “correct” o tama.
Halimbawa:
“Korique ka diyan sis.”
NO CAP
Pagsasabi ng totoo o pagiging tunay, hindi sinungaling.
Halimbawa:
“May ibang ka-date ang boyfriend mo, no cap.”
FAM
Katumbas ng salitang “bro.” Ginagamit sa pinaka-close na mga kaibigan.
Halimbawa:
“Masaya ako na naging parte ka na ng fam.”
RIZZ
Pinaikling salita ng “charisma” o karisma.
Halimbawa sa isang convo –
Friend A: “Ang taas naman ng audience impact ng candidate #5.”
Friend B: “Ang lakas kasi ng rizz niya!”
CEO
Inilalarawan ang isang tao na pinakamagaling o pinakamahusay sa isang bagay.
Halimbawa:
“Nakabisado mo agad ng dance steps?! Edi ikaw na ang CEO sa pagsasayaw!”
CRINGE
Ginagamit kapag ang isang tao ay sobrang nahihiya o may “awkward” na pangyayari.
Halimbawa:
“Grabe naman ‘yung suot niya, nakaka-cringe!”
SHEESH
Ginagamit depende sa sitwasyon. Pwedeng nagpapahiwatig ng pagkamangha, pagkagulat o pagkatuwa.
Halimbawa:
“Napakamahal naman ng bag mo, hindi ko afford. Sheesh!”
Related chika:
Albie nag-sorry sa ‘super fat’ comment kay Andi; umaming may galit pa rin sa ex-GF