Mga alagang hayop papayagan na sa LRT-2 simula Feb. 1

Mga alagang hayop papayagan na sa LRT-2 simula Feb. 1

MAY magandang balita para sa commuters, lalo na sa mga pet lovers diyan na sumasakay ng tren.

Pinapayagan na rin kasi ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 ang mga alagang hayop sa loob ng istasyon.

“Papayagan na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagsasakay ng aso at pusa sa mga tren at istasyon ng LRT-2 simula sa Miyerkules, ika-1 ng Pebrero, alinsunod sa inilatag na panuntunan ng rail line,” saad sa isang Facebook post.

Ibinandera na rin ng LRT-2 sa Facebook ang ilan sa mga guidelines upang maging ligtas sina bantay at muning, pati narin ang mga pasahero.

Narito ang kumpletong listahan:

  1. Isang maliit na aso o pusa kada pasahero ang may libreng sakay.

  2. Ang mga alagang hayop ay dapat nasa kulungan na hindi mas malaki sa 2ft x 2ft na size. Dapat ito ay nakakandong o kaya naman ay nasa may paanan sa sahig. Ang mga strollers ay hindi pinapayagan.

  3. Dapat nakasuot ng diaper ang mga alagang hayop.

  4. Kailangang bakunado ang mga pets at ipakita ang vaccination card.

  5. Ang kulungan ay hindi dapat mag-okupa ng mga ekstrang upuan sa loob ng tren. Tanging mga pasahero ang pauupuin.

  6. Ang pasahero na may kasamang alagang hayop ay dapat maupo sa pinaka unahan o pinaka dulo ng bagon.

  7. Hindi pinapayagan na pakainin ang mga hayop sa loob ng istasyon o tren.

Ayon kay LRTA Administrator Hernando Cabrera sa isang press briefing, target nilang maging pet-friendly ang istasyon kaya tine-train na rin daw nila ang kanilang personnel para rito.

“Dini-distribute namin ngayon, bini-brief namin yung ating mga security personnel para sa maganda at maayos na pagpapatupad ng ating mga policy,” paliwanag ni Cabrera.

Matatandaan noong 2021 ay pinayagan sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 ang mga alagang hayop sa loob ng tren basta’t ito ay nasa loob ng kulungan na hindi lalagpas ng two feet by two feet.

Read more:

Chesca Garcia payag bang sumali sa mga beauty pageant si Kendra Kramer?

Read more...