PUSPOS ang galak ni Charo Laude na naging top-grosser sa 2022 Metro Manila Film Festival ang pelikulang “Deleter” kung saan siya kasali, at walang pagsidlan ang kanyang katuwaan para kay Nadine Lustre na hinirang bilang “Best Actress” sa pista ng pelikula.
“Congratulations to you, my dear. I’m so happy for you and so proud of you. Hope to see you soon again at makatrabaho ka ulit,” ibinahagi ni Laude para kay Lustre nang kausapin ng Inquirer sa send-off press conference ng mga reyna niya sa Mrs. Universe Philippines pageant sa Simon’s Place Supreme restaurant sa Quezon City noong Enero 19.
Siya ang national director ng Mrs. Universe Philippines pageant. Isa rin siyang beauty queen na naging kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. Universe contest noong 2019.
“Noong una hindi ko pa alam na entry siya sa filmfest. Kaya talaga lahat kami happy nang nalaman na kasama pala siya sa MMFF,” ani Laude patungkol sa “Deleter.”
“Thank you sa lahat ng nanood ng ‘Deleter.’ Masayang masaya ako kasi Viva Films, and Nadine Lustre, and I’m so happy being a part of the movie, as a friend of Nadine,” pagpapatuloy ni Laude.
Dinagdag pa niyang “sobrang bait, sobrang gaan” katrabaho ni Lustre, at “talagang very humble and pretty sobra.”
Sa ngayon, abala si Laude sa pagsuporta sa mga reyna niyang sasabak sa 2022 Mrs. Universe pageant sa Sofia, Bulgaria, sa Peb. 4 (Peb. 5 sa Maynila). Naunang itinakda ang pandaigdigang patimpalak nitong Disyembre sa Seoul, South Korea, ngunit may hindi inaasahang pangyayaring nagtulak sa organisasyon na itanghal ang contest sa home country nito.
Pinangungunahan ang pangkat ni Mrs. Universe Philippines Veronica Yu, kasama ang mga kapwa niyang titleholder na sina Gines Angeles, Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling, Jeanie Jarina, Virginia Evangelista, at Michelle Solinap.