Anjo Yllana na-trauma na sa pakikipagrelasyon, pinaghahandaan na ang pagiging senior citizen
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Anjo Yllana
HANGGANG ngayon ay may trauma pa ang veteran actor at TV host na si Anjo Ylllana sa pakikipagrelasyon matapos ang break-up nila ng kanyang estranged wife na si Jacqui Manzano.
Aminado ang isa sa mga bida ng bagong comedy film ng Viva Films na “Hello, Universe” na gusto pa rin niya ang magkaroon ng partner sa buhay pero medyo traumatic nga ang naranasan niya noong may karelasyon pa siya.
May apat na anak si Anjo sa dating asawa at sa ngayon ay parang wala na sa top priorities niya ang magkadyowa uli, “Nag-iisip din ako. Kaya lang sa na-experience ko kasi sa isang relasyon, sabi ko nga, medyo na-trauma ako.
“Kasi ang naiisip ko noon mula bata ako, ang pangarap ko kasi magkaroon ng marriage na habambuhay, walang hiwalayan.
“Kasi ‘yun na ‘yung nakuha ko sa magulang ko, eh. Kahit araw-araw sila nag-aaway, nagbabatuhan ng masasakit na salita, hanggang katapusan, hanggang nawala ang tatay ko, never sila nag-break. It was an inspiration kasi ang nakinabang doon kami,” pahayag pa ni Anjo.
Dagdag pa niya, “Hindi namin pinroblema na hiwalay sila (mga magulang). Kumusta kaya si Daddy? Kumusta kaya si Mommy?’ Kasi hiwalay sila. Pero pag nasa iisang bubong lang kayo hanggang pagtanda n’yo, nandu’n pa rin yung feeling na buo kayo.”
Pag-amin pa niya, “’Yun ang frustration ko. Hindi ko naibigay sa mga anak ko ang naranasan ko sa mga magulang ko. Kaya siguro malabo nang magkaroon pa ako ng relasyon. Na-trauma nga ako. Unless bigyan ako ng Diyos ng someone na talagang compatible kami.
“Hindi ko naman masasabing alone ako kasi palaki na ang mga anak ko. ‘Yung stages kasi ng mga bata, katulad ngayon graduate na ‘yung isa. ‘Yung isa nasa college na. Tinututukan ko rin. ‘Yung dalawang lalaki binabantayan ko rin,” pagbabahagi pa ng aktor.
Inamin din ni Anjo na noong magkahiwalay sila ng dating asawa ay nagkabalikan sila ng dati niyang girlfriend na si Sheryl Cruz, “For a while nagbalikan kami ni Sheryl. Pero ganu’n din. Mahirap din kasi si Sheryl merong isang 15-year-old na anak. Ako, apat yung anak ko.
“So, parang iniisip niya seryoso na kasi may edad na kami, eh, ’di ba? Tama naman. Kaya lang, hindi pa ako ready noon na magkaroon ng ‘asawa’ ba? Hindi ko alam kung paano ie-explain sa mga anak ko. Kasi ayokong saktan ang mga anak ko.
“Ayoko rin sabihin sa kanilang ‘Wala ng pag-asa na magkabalikan kami ng nanay niyo.’ Masakit ‘yun para sa kanila. Ayoko silang bigyan ng false hope. Ayoko ko rin sila saktan,” paliwanag pa niya.
Sabi pa ni Anjo, sa ngayon ay pinaghahandaan na niya ang pagtuntong niya ng senior lalo pa’t 55 years old na siya ngayon, “Ang pini-prepare ko na lang yung ano ba ang gagawin ko pag ano na ako, beyond 60. ‘Yung nag-retire ka na tapos for a while hindi alam kung anong gagawin.
“Parang sa akin, ano kaya yung retirement ko? Magge-guest-guest na lang ba ako or kunwari, tumakbo ako sa politika sa 2025, konsehal kunwari. Tapos hindi na ako tatakbo forever? Mga ganu’n.
“Gusto kong planuhin na yung pagtanda ko. Gusto ko kahit wala masyadong trabaho na. At least, may ipon ka para makapasyal, makakain sa Jollibee at McDo. Ha-hahaha!” natatawa pang pahayag ng aktor.
Showing na sa January 25 ang “Hello, Universe” sa mga sinehan nationwide na isinulat at idinirek ni Xian Lim. Makakasama rin sa movie sina Janno Gibbs, Maui Taylor, Gene Padilla, Sunshine Guimari at marami pang iba.