Ang isa sa mga vlogger na inaresto dahil sa ‘gasoline prank’
ARESTADO ang dalawang vlogger matapos gumawa ng prank video sa isang gasolinahan sa Davao de Oro nitong nagdaang linggo.
Nagtagumpay naman sila sa kanilang plano pero ang kasunod nga nito ay ang pagsasampa sa kanila ng kaukulang kaso dahil sa kagustuhan nilang mag-viral sa social media.
Ang naisip na prank ng mga content creator na sina Jonel Cordero at Arnold Rabi ay iinom ang isa sa kanila ng gasolina at malalason.
Naganap ang nasabing insidente nitong nagdaang January 18 sa Green Planet gasoline station sa Davao de Oro.
Naisipan nga ng dalawang vloggers na nakilala sa kanilang Cordero Brothers Vlog sa YouTube na halos lahat ng content ay puro prank, na i-prank ang mga empleyado ng Green Planet.
Sa nasabing viral video, makikita si Jonel na bumili ng gasolina sa halagang P10 sabay sinabihan ang attendant na ilagay ito sa isang maliit na bote ng softdrinks.
Inilagay ni Jonel ang bote sa kanyang bulsa sa likod sabay kuha sa isa pang bote ng softdinks na siya niyang ininom. Dito na siya umakting na nahihilo at nasusuka at nagkunwaring nalason.
Siyempre, naalarma ang staff ng gasolinahan sa nangyari sa vlogger at agad-agad na ini-report sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Pero kahit dumating na ang mga tauhan ng MDRRMO ay patuloy pa rin ang akting ni Jonel at nang isasailalim na siya sa medical assessment ay saka lang siya sumigaw ng, “It’s a prank!”
Ipinaliwanag ng dalawang vlogger na sa bote ng energy drink siya uminom at hindi sa boteng may gasolina.
Dinala sa Mawab Police Station sina Jonel at Arnold para sampahan ng kasong alarm and scandal batay sa Article 155 of the Revised Penal Code.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring makulong ang mga vlogger ng 30 araw at multang P40,000. Nag-sorry naman si Jonel at sinabing hindi muna sila maglalabas ng vlog sa mga susunod na araw.
Panawagan naman ng PNP sa publiko, mag-ingat at huwag na huwag nang gumawa ng social media content na magiging sanhi ng “chaos, alarm and disturbance.”
Viral ‘killer cop’ namatay sa loob ng Bilibid, ‘foul play’ iniimbestigahan na
#Biktima: John Lloyd, Alex pinagtripan ni Maja, pero hindi umubra ang drama kay Aiko
Long Mejia pinagbabayad ng P400K dahil sa ginawang prank kay Aiko