LABIS ang pasasalamat ng TV host-comedian na si Vhong Navarro sa kanyang asawang si Tanya Bautista sa hindi nito pag-iwan sa kanya sa kabila ng mga mahihirap nilang pinagdaanan sa buhay.
Nitong Lunes, January 16, muling sinalubong ng “It’s Showtime” hosts ang komedyante matapos ang matagal nitong pagkakawala dahil sa pagkakakulong nito kaugnay sa kasong rape na inihain ng modelong si Deniece Cornejo.
Hindi naman mapigilan ni Vhong ang maging emosyonal sa kanyang pagbabalik dahil sa umaapaw na pagmamahal sa kanya ng madlang pipol.
Inamin rin niya na hindi agad siya nakabalik sa noontime program dahil marami pa siyang pinagdaanang proseso.
“Pero mabait ang Panginoon, talagang hindi Niya ako pinabayaan kaya nandito ako ulit. Kaya maraming salamat sa ABS-CBN dahil mayroon akong trabaho at nandito pa rin ang pamilya ko,” saad ni Vhong.
Paglalahad niya, iba raw talaga ang buhay sa loob ng kulungan lalo na at may mga nakikita siyang inmates na tila nakalimutan na ng pamilya dahil hindi ito nadadalaw.
Dagdag pa niya, mayroon rin na katulad niyang nasa loob ng selda kahit na wala naman itong ginawang masama.
Aminado siya na talagang sinubok siya ng Maykapal habang nasa loob at tila dito mas tumindi ang kanyang pagkapit rito pati sa kanyang pamilya.
“Tanya, grabe ka. Ikaw ang superhero ng buhay ko. Hindi mo `ko iniwan sa hirap at ginhawa. Alam ko, marami kang pinagdaanang hirap sa akin. Kung anuman, lahat na nagawa kong kasalanan noon, patawad,” mensahe ni Vhong sa asawa.
“Hayaan mong bumawi ako, at punuin ko ng pagmamahal ‘yung mga nagawa kong kasalanan sa `yo, kasi mahal na mahal kita,” dagdag pa niya.
Related Chika:
Vhong naiyak sa pagbabalik-Showtime: ‘Ang sarap ng pagtanggap n’yo sa akin, hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan
Vice Ganda sinagot na kung kailan magbabalik sa ‘Showtime’ si Vhong Navarro