ISINALIN ni Harnaaz Sandhu ang titulo niya bilang Miss Universe kay R’Bonney Gabriel bilang isa sa pinakamahabang nagreyna sa kasaysayan ng patimpalak na lumagpas sa isang taon ang termino. Ngunit may apat pang reynang mas matagal na nag-reign.
Kinoronahan si Sandhu, ang ikatlong reyna mula India, sa ika-70 Miss Universe pageant na itinanghal sa Israel noon Disyembre 2021. Isinalin niya ang titulo kay Gabriel nito lang Enero 14, kaya nagtala siya ng reign na isang taon, isang buwan, at isang araw.
Ngunit si Zozibini Tunzi, ang ikatlong reyna mula South Africa, ang nagtala ng pinakamahabang pagrereynang tumagal nang isang taon, limang buwan, at walong araw. Minana niya ang korona mula sa Pilipinang reynang si Catriona Gray noong Disyembre 2019, ngunit noong Mayo 2021 lang nakapagsalin ng titulo dahil sa COVID-19 pandemic.
Pangalawang pinakamahaba ang pagrereyna ni Leila Lopes, ang unang nagwagi mula Angola. Kinoronahan siya sa Brazil noong Setyembre 2011, at sinalin ang korona noong Disyembre 2012. Tumagal ang reign niya nang isang taon, tatlong buwan, at pitong araw.
Nagreyna naman nang isang taon, dalawang buwan, at 15 araw si Gabriela Isler, ang ikapitong reyna mula Venezuela. Tinanggap niya ang titulo bilang Miss Universe noong Disyembre 2013, at isinalin ito noong Enero 2015.
Pang-apat sa may pinakamahabang pagrereyna si PiaWurtzbach, ang ikatlong nagwagi mula Pilipinas, na tumagal nang isang taon, isang buwan, at 10 araw, lamang lang ng siyam na araw sa termino ni Sandhu. Nasungkit ng Pilipina ang titulo sa Estados Unidos noong Dis. 20, 2015, at isinalin ito sa Maynila noong Enero 30, 2017.
At dahil may mga reynang humawak sa korona nang mahigit isang taon, may titleholders naman na napaikli ang pagrereyna. Si Andrea Meza ang nagtala ng pinakamaikling termino bilang Miss Universe.
Tinanggap ni Meza, ang ikatlong nagwagi mula Mexico, ang titulo mula kay Tunzi. Na-postpone ang patimpalak ng 2020 dahil sa COVID-19 at isinagawa na lang noong Mayo 2021. Isinalin ng reynang Mexicana ang korona noong Disyembre 2021, kulang pa ng tatlong araw para sa pitong buwan mula nang nagwagi.
Nagreyna naman nang 11 buwan at 25 araw si Paulina Vega, ang pangalawang reyna mula Colombia. Minana niya ang titulo mula kay Isler noong Enero 2015 at isinalin ito kay Wurtzbach noong Disyembre 2015.
Maikli rin ang pagrereyna ng tagapagmana ni Wurtzbach. Isinalin niya ang korona kay Iris Mittenaere, ang pangalawang reyna mula France, noong Enero 2017. Nagsalin naman ng titulo ang Pranses noong Nobyembre 2017 para sa pagrereynang tumagal nang siyam na buwan at 27 araw.
Napipinto rin ang isang maikling pagrereyna para kay Gabriel, ang reynang Filipino-American na ika-siyam na nagwagi mula US. Dahil nausog ang patimpalak ng 2022 ngayong Enero, nakatakda siyang magsalin ng korona sa isang tagapagmana ngayong 2023. Ipinakilala na ang El Salvador bilang host country ng ika-72 Miss Universe pageant na nakatakdang itanghal bago magtapos ang taon.