USA pa rin ang pinakamalakas na bansa sa Miss Universe

Photo from Anne Jakrajutatip

PINAKAMARAMI na ang walong koronang napanalunan ng United States of America (USA) sa Miss Universe pageant bago pa man itanghal ang pinakahuli nitong edisyon, lamang ng isang panalo sa pinakamalapit na katunggaling Venezuela.

Ngunit dahil sa pagwawagi ni R’Bonney Gabriel, higit pang lumayo ang nangungunang bansa mula sa karibal nito sa pagandahan.

Naitala ni Gabriel, na isang Pilipino ang amang isinilang sa Maynila, ang ikasiyam na panalo ng USA sa pagtatapos ng ika-71 Miss Universe pageant, ang itinuturing na edisyon para sa 2022, sa Ernest N. Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, noong Enero 14 (Enero 15 sa Maynila).

Ngayong may siyam nang reyna ang USA, kailangan na talagang maghabol ng Venezuela, at ng iba pang mga bansang may maraming Miss Universe, kabilang ang Pilipinas.

Nagsimula ang pananaig ng USA noong 1954 nang magwagi si Miriam Stevenson sa ikatlong Miss Universe pageant. Makaraan ang dalawang taon, naitala ni Carol Morris ang pangalawa nitong panalo. Noong 1960, nagwagi naman si Linda Bement, at kinoronahan naman si Sylvia Louise Hitchcock noong 1967.

Naghintay pa ang USA nang 13 taon bago naibalik ni Shawn Weatherly ang korona noong 1980, at 15 taon pa bago hirangin si Chelsi Smith bilang ikaanim na Miss USA na kinoronahan bilang Miss Universe noong 1995.

Dalawang taon makaraang maitala ang ikaanim nitong panalo, nasungkit ng USA ang ikapitong korona sa pamamagitan ni Brook Lee noong 1997, ngunit naghintay nang 15 taon pa bago napanalunan ni Olivia Culpo ang ikapitong titulo noong 2012.

Medyo huli nang nagsimula ang Venezuela, nang ibigay ni Maritza Sayalero ang una nitong panalo sa Miss Universe noong 1979. Sinundan siya nina Irene Saez noong 1981, Barbara Palacios noong 1986, at Alicia Machado noong 1996.

Noong 2008 at 2009, naitala ng Venezuela ang una at natatanging back-to-back sa Miss Universe pageant nang magkasunod na nagwagi sina Dayana Mendoza at Stefania Fernandez. Huli nitong reyna si Gabriela Isler na nagwagi noong 2013.

Puerto Rico ang ikatlong pinakamatagumpay na teritoryo sa Miss Universe pageant na may limang panalo—sina Marisol Malaret noong 1970, Deborah Carthy-Deu noong 1985, Dayanara Torres noong 1993, Denise Quiñones noong 2001, at Zuleyka Rivera noong 2006.

May apat na Miss Universe titleholders naman ang Pilipinas—sina Gloria Diaz noong 1969, Margarita Moran noong 1973, Pia Wurtzbach noong 2015, at Catriona Gray noong 2018.

Tig-tatlo naman ang Miss Universe mula Sweden, South Africa, Mexico, at India na tabla lahat sa ikalimang puwesto. Maliban sa nabanggit bansang Europeo, naitala ng mga bansang ito ang ikatlo nilang panalo nitong tatlong huling edisyon bago ang katatapos na patimpalak.

Nagwagi si Zozibini Tunzi mula South Africa noong 2019, si Andrea Meza mula Mexico noong 2020, at si Harnaaz Sandhu mula India noong 2021.

Read more...