Maine, Zanjoe ka-join sa pagbabakasyon ng Atayde family sa Taiwan: ‘Belong na belong na yarn!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Maine Mendoza at Zanjoe Marudo kasama ang pamilya nita Arjo at Ria Atayde
“BELONG na belong” na sina Maine Mendoza at Zanjoe Marudo sa pamilya ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez at asawa nitong negosyante na si Papa Art Atayde.
Yes, ka-join nga sina Maine at Zanjoe sa pagbabakasyon sa Taiwan ng pamilya Atayde base na rin sa mga litratong ipinost ni Ibyang sa kanyang social media accounts last Sunday, January 8.
Sa Instagram, ibinahagi ni Sylvia ang mga family photos nila na kuha sa Taiwan kung saan kasama nga ni Arjo ang fiancée niyang si Maine at ang rumored boyfriend ni Ria na si Zanjoe.
“We all live such busy lives all year but at the end of the day. We all know, FAMILY first,” ang caption na inilagay ni Ibyang sa kanyang IG post.
Palagi namang sinasabi ni Ibyang na kung sino man ang mamahalin ng kanyang mga anak ay mamahalin din niya lalo na kapag nakikita niyang maligaya ang mga ito sa kanilang mga karelasyon.
Sa interview nga ng komedyanang si Alora Sasam during the ABS-CBN Christmas Special kay Sylvia ay natanong ang veteran actress kung, “Naughty or nice ba sa relationship si Ria?”
Sagot ng premyadong aktres, “Nice siya. Kasi ibinibigay niya lahat, sinusuko lahat. Sinasabihan ko siya talaga, ‘Magtira ka para sa sarili mo.’
“Ayun lagi, kasi sabi ko sa kanya, ‘Hindi ka kasing tapang ko.’ Si Ria yung umiiyak, lumalaban man pero ganu’n, iba siya sa relationship niya. Mas matapang ako,” ani Sylvia.
Sundot na tanong ni Alora, “Feeling mo ba, Tita, may nagbago sa dati at sa ngayon sa mga relationship ni Ria?”
“Ay, oo, ang laki ng pinagbago. Ang laki ng kaibahan. Masaya ako, saka napaka-respecful ni ano. Kaya ko pinu-post kasi gusto ko (siya). Mabait si Z, marespetong bata and gustung-gusto ko siya,” pahayag pa ni Ibyang.