Bahay ni Misuari ni-raid; bomba nasamsam

SINALAKAY ng mga tropa ng pamahalaan ang bahay ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari sa Zamboanga City kahapon at nakasamsam ng mga subersibong dokumento at bomba, ayon sa pulisya.

Isinagawa ng mga pulis at sundalo ang raid sa bahay ni Misuari sa Brgy. San Roque dakong alas-4, sabi ni Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police, nang kapanayamin sa telepono.

Gumamit ng pampasabog ang raiding team para makapasok dahil walang sumasagot o nagbubukas ng gate nang katukin ang bahay para maisilbi ang search warrant, ani Huesca.

“Ang ginamit natin ay access special charge, dahil during the service of the warrant ay nag-antay nang matagal… walang lumabas, kumatok nang matagal ‘yung mga tao natin, so in order to serve the search warrant, gumamit tayo ng access special charge,” aniya.

“Ang main component po niyan tubig, may konting explosive, para itutulak niya ‘yung tubig at ‘yun ‘yung mag-push sa gate para ma-open,” sabi ni Huesca nang tanungin kung anong uri ng pampasabog ang ginamit.

Ang bahay ay mayroong “heavy steel gate,” na aabot sa isang pulgada ang kapal, ayon sa regional police spokesman. Sa loob ng bahay, nakatagpo ang mga awtoridad ng sari-saring gamit na maaring magdiin kay Misuari sa kasong rebelyon at iba pang asunto, ani Huesca.

Kabilang sa mga natagpuan ang ilang Molotov bombs, IED components, bala ng mortar, “subversive documents,” mga mapa, at tarpaulin ng MNLF.

“There are documents that could be used as additional evidence for the rebellion case filed against Mr. Misuari,” sabi ni Huesca nang tanungin kung anong mga dokumento ang natagpuan.

Isinagawa ang raid isang araw matapos sampahan ng mga awtoridad si Misuari ng kasong rebelyon at paglabag sa International Humanitarian Law para sa pagsalakay sa Zamboanga City noong Set. 9.

Nauwi ang pagsalakay sa mahigit 20 araw na pakikipagsagupaan ng MNLF sa mga tropa ng pamahalaan. Mahigit 200 katao ang nasawi, di bababa sa 10,000 bahay ang nasunog, at mahigit 100,000 katao ang lumikas dahil sa mga sagupaan.

( Photo credit to INS )

Read more...