Ano ang wish ni Miss Progress Human Rights Zea Awatin para sa 2023?

Miss Progress Human Rights Zea Awatin

Miss Progress Human Rights Zea Awatin/ARMIN P. ADINA

 

 

BAGO pa nasungkit ni Zea Awatin ang titulong Miss Progress Human Rights sa Italya nitong Setyembre, aktibo na siya sa nonprofit organization na Project PEARLS (Peace, Education, Aspiration, Respect, Love, and Smiles).

Nagpapaaral at nagpapakain ng mahihirap na bata ang organisasyon, at umaasa ang 27-taong-gulang na international relations graduate na dumami pa ang tumutulong sa pangkat sa 2023.

Hiling ni Awatin “to have a lot of sponsors to all the scholars of Project PEARLS, that they will enter school again this time,” sinabi niya sa Inquirer isang panayam sa presentation ng unang batch ng mga kandidata para sa kauna-unahang Miss Rotary Philippines pageant sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City kamakailan. Aktibo rin siya sa Rotary Philippines.

“As of now we are having a hard time looking for or pulling funds for these children,” inilahad niya.

At sapagkat nakoronahan siya bilang tagasulong ng karapatang pantao sa patimpalak sa Puglia, Italy, sinabi ni Awatin na “human rights wish for 2023” niya “to inspire other ambassadors to educate the children of Project PEARLS.”

Dahil sa COVID-19 pandemic, natagalan ang pagsabak ng Batangueña sa Miss Progress International pageant. Nakatakda sana siyang tumulak pa-Italya noong 2021, ngunit dahil sa paglala ng kalagayan ng pandemya ay isinantabi muna ang patimpalak.

Natuloy ang pandaigdigang patimpalak nitong 2022, at doon naipagpatuloy niya ang pambihirang record ng Pilipinas na nagsimula noong 2017 nang masungkit ni Jedaver Opingo ang pangunahing korona. Sa muling pagkamit ng top three finish para sa bansa sa ikaapat na kasunod na taon, lubos na pinahahalagahan ni Awatin ang korona niya.

“The Miss Progress International pageant helped me open doors so I could share the blessings that I received with other people,” aniya. Sinabi rin ni Awatin na inanyayahan siya ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas upang talakayin ang pakikipagtulungan sa hinaharap.

“They are considering me as their ambassador to the young people, especially to those in public schools, that they could be empowered soon,” aniya, idinagdag pang may nakalatag nang mga proyekto para sa kanya.

Kinoronahan na rin ni Awatin kamakailan ang kaniyang tagapagmana sa Pilipinas, ang college student at modelong si Selin Hernandez na kakatawan sa Pilipinas sa 2023 Miss Progress International pageant sa Italya sa Setyembre ng susunod na taon.

Read more...